Pages

Monday, July 21, 2025

Nabubulok (2017)

8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Gina Alajar, JC Santos
Genre: Mystery, Crime
Runtime: 1 hour, 35 minutes

Director: Sonny Calvento
Writer: Sonny Calvento
Production: Cinemalaya Foundation, Southern Lantern Studios
Country: Philippines


Magsisimula ang pelikula sa misteryosong pagkawala ni Luna (Sue Prado) na pinsan ng bidang si Ingrid (Gina Alajar). Dahil sa mga hindi maipaliwanag na pangyayari, magkakaroon ng sariling haka-haka si Ingrid tungkol sa kung ano ba talaga ang nangyari sa kaniyang pinsan lalo noong mapansin nito ang kakaibang ikinikilos ng asawa ni Luna na si Jason (Billy Ray Gallion).

Sa paglipas ng mga araw, magsisimulang kumalat ang mabahong amoy mula sa bahay nila Jason na para bang may isang bagay na nabubulok. Habang iniimbestigahan ang pagkawala ni Luna, unti-unting lalabas ang mga spekulasyon at pagdududa mula sa komunidad sa kung ano ba talaga ang totoong nangyari kay Luna.

May mga pelikulang kapag natapos mo nang panoorin, agad mo na itong makakalimutan. Pero may mga tulad ng Nabubulok na kahit tapos na ay mananatili ito sa isipan ng mga tao. Hindi dahil sa saya na dulot nito kundi dahil sa bigat at dami ng tanong na iiwan ng palabas. Hindi ito 'yung klase ng pelikula na may malinaw na "ito ang bida at ito ang kontrabida" o may simpleng twist na ikagugulat ng lahat. Isa itong uri ng pelikulang nag-uudyok ng diskusyon. Ano nga ba ang totoo? Sino ang may kasalanan? At bakit tila ang mga ordinaryong tao ang laging talo sa usapin ng hustisya?

Hindi rin ito simpleng misteryo. Isa itong sining na nagpapakita ng marupok at bulok na sistema ng katarungan sa bansa. Ang pelikula ay malinaw sa pagpapakita kung paanong ang mga simpleng mamamayan ay kadalasang hindi napapakinggan kaya’t napipilitan silang habulin ang hustisya sa sarili nilang pamamaraan.

Bukod dito, matapang din ang pelikula sa pagtuligsa sa kulturang Pilipino na madaling magpaniwala sa mga chismis. Sa Nabubulok, isang simpleng hinala lang ang kailangang lumaganap para makabuo ng kolektibong paghusga ang mga tao kahit na wala naman itong sapat na pruweba. Sa puntong ito, pinapatamaan ng palabas ang isa sa pinakamalalang sakit ng lipunan: ang pagiging close-minded ng tao mga kapag nakabuo na sila ng sarili nilang katotohanan.

Misteryoso ang bawat eksena ng pelikula at napanatili nito ang tensyon mula simula hanggang dulo. Lahat ng mga karakter ay may bahid ng pagkukulang, ng kasalanan, ng pagkabulok. At ito ang pinakamalalim na sinasabi ng pelikula — maraming nabubulok sa paligid natin: ang sistema, ang komunidad pati na rin ang konsensya ng mga tao.


© Cinemalaya Foundation, Southern Lantern Studios

No comments:

Post a Comment