Pages

Tuesday, July 22, 2025

Bagyong Bheverlynn (2018)

5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆☆☆

Starring: Rufa Mae Quinto, Edgar Allan Guzman
Genre: Comedy
Runtime: 1 hour, 40 minutes

Director: Charliebebs Gohetia
Writer: Jericho Aguado
Production: Cinema One Originals, Film Development Council of the Philippines (FDCP)
Country: Philippines


Buwan matapos ang break-up nila ng kaniyang boyfriend na si Bradley (Edgar Allan Guzman) ay nanatiling malungkot at balisa ang writer na si Bheverlynn (Rufa Mae Quinto). Dahil sa labis na kalungkutan na kaniyang nararamdaman, ang kaniyang emosyon ay literal na nagdala ng bagyo sa bansa. Para matigil ang madilim na ulap na pumapalibot sa kaniyang puso at sa buong Pilipinas, kinakailangan niyang tanggapin ang katotohanan at mag-move on na nang tuluyan mula sa kaniyang dating nobyo.

Kung may pelikulang mukhang sinulat mula sa imahinasyon ng isang batang walang takot, ito na ‘yun. Hindi lang basta walang saysay ang Bagyong Bheverlynn — mukhang sinadya talaga itong gawing walang saysay. At sa kabila ng kabaliwang ito, may mga bagay na gumana pero marami rin ang hindi.

Witty ang mga linyahan dito, ‘yan ang hindi ko itatanggi. Matalino ang pagkakasulat ng dialogue, mayroon silang self-awareness. Alam ng pelikula na “cheap” ito at inunahan na nila ang mga bashers sa pagpuna. Pero ang problema, 'yun lang ang maganda sa palabas na ito, 'yung humor na pasok naman sa banga kahit papaano.

Hindi dapat seryosohin ang palabas na ito kasi kung susubukan mong intindihin at bigyang bigat ang bawat eksena, baka magalit ka lang sa sarili mo. Nakakaantok ang ilang bahagi ng palabas. Para kasing walang direksyon ang storyline nito, kung meron man ay para itong naliligaw na tupa.  Puro punchlines ang mapapanood dito. Sunod-sunod na parang nanonood ka sa comedy bar na walang pakialam kung may istorya ba silang ibinabahagi o wala basta’t may tumatawa.

Ang masaklap, magaling si Quinto sa kaniyang karakter. Siya ang nagligtas sa pelikulang ito. Ang dating niya, ang timing, ang pag-arte, siya ang nagbigay-buhay sa Bagyong Bheverlynn. Kung balak mong panoorin ito, ayos lang basta ‘wag mo 'tong masyadong seryosohin. Dahil kung susubukan mong unawain ang kabuuan, baka mainis ka lang. Hindi ito ginawa para magbigay ng aral o magkaro'n ng saysay, ginawa ito para magpatawa lang. Literal.


© Cinema One Originals, Film Development Council of the Philippines (FDCP)

No comments:

Post a Comment