★★★★★★★ ☆☆☆
Starring: Nonie Buencamino, Sid Lucero
Genre: Crime, Mystery
Runtime: 1 hour, 53 minutes
Director: Raya Martin
Writer: Ria Limjap, Moira Lang, F.H. Batacan (novel)
Production: TBA Studios
Country: Philippines
Iikot ang Smaller and Smaller Circles sa imbestigasyon ng dalawang pari na sina Father Gus Saenz (Nonie Buencamino) at Father Jerome Lucero (Sid Lucero) na parehong may kaalaman sa forensic science at psychology. Katuwan ang mga pulis ay susubukan nilang hanapin kung sino ang nasa likod ng mga karumual-dumal na pagpatay sa mga batang lalaki mula sa Payatas. Sa kanilang pag-iimbestiga, unti-unti nilang mabubunyag ang lalim ng korapsyon, kapabayaan ng mga awtoridad at ang sistemikong kahirapan na nagpapahirap sa mga biktima na makamit ang hustisya na kanilang hinahanap.
Sa unang tingin, mukhang isang klasikong crime thriller ang Smaller and Smaller Circles na may serye ng pagpatay, mga bangkay at mga imbestigador na tila may panata sa katarungan. Pero habang tumatagal ang panonood mo nito, unti-unting mong mapagtatanto na hindi pala ito tipikal na pelikulang hahatakin ka sa para bang edge-of-your-seat na suspense.
Oo, graphic ang ilang eksena. Makakakita ka rito ng bangkay at mga detalye ng krimen na para bang ipaparamdam sa mga manonood na walang filter ang palabas. Pero hanggang doon lang natapos ang visual engagement nito. Sa kabuuan ng pelikula, ang nangingibabaw ay ang mahahabang pag-uusap, mga karakter na sunod-sunod ang litanya at eksenang parang ikinukuwento lang sa atin ang mga nangyayari sa halip na ipakita.
May misteryo naman itong dala pero nawawala ang tensyon nito habang tumatagal. Hindi ganoon ka-thrilling ang mga tagpo at ang revelation kung sino ang salarin ay hindi ganoon ka-shocking. Sa halip na tutukan ang mga eksenang pampa-hook, mas pinili ng pelikula na ituon ang lente nito sa mas malalalim na isyu ng lipunan na siya rin namang hinangaan ko. Doon naging malinaw kung ano talaga ang layunin ng pelikula. Hindi lang ito ginawa para mang-aliw kundi magbigay ng kaisipan. Tinatalakay nito ang mga sensitibo at madalas isantabing usapin gaya ng pedopilya, korapsyon at kabiguan ng hustisya sa mga mahihirap. Sa ganitong aspeto, malaki ang ambag ng pelikula, lalo na sa mga manonood na naghahanap ng sining na may paninindigan.
Hindi matatawaran ang cast ng pelikulang ito. Puro mahuhusay ang mga nagsiganapan. Hindi lang sila kilala kundi may lalim din ang mga naging pag-arte nila. Pero kahit pa gaano sila kagaling, tila kinapos ang pelikula sa pagbibigay ng eksenang tunay na magpapatingkad sa husay nila.
Sa huli, ang Smaller and Smaller Circles ay isang mystery thriller na hindi nakatuon sa thrill, kundi sa repleksyon. Hindi ito pelikula ng sigawan at takutan, ito'y isang komentaryo sa bulok na sistema, sa mga boses na hindi naririnig at sa katotohanang madalas ikinukubli. Kung naghahanap ka ng aksyon at matitinding twist, maaaring hindi ito para sa’yo. Pero kung gusto mo ng pelikulang may puso, may pakialam at may tapang na magsabi ng totoo, baka ito ang uri ng pelikulang tatatak sa’yo pagkatapus ng end credits.
© TBA Studios
No comments:
Post a Comment