Search a Movie

Monday, April 10, 2023

Murder Mystery (2019)

6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Adam Sandler, Jennifer Aniston
Genre: Comedy, Crime, Mystery
Runtime: 1 hour, 37 minutes

Director: Kyle Newacheck
Writer: James Vanderbilt
Production: Happy Madison Productions, Endgame Entertainment, Vinson Films, Tower Hill Entertainment, Mythology Entertainment, Denver and Delilah Productions
Country: USA


Matapos ikasal ang mag-asawang Nick (Adam Sandler) at Audrey Spitz (Jennifer Aniston) fifteen years ago ay napapansin ni Audrey na unti-unti nang nawawala ang spark sa relasyon nila ng kaniyang asawa. Para makabawi at patunayang hindi lang bare minimum ang kaya niyang ibigay ay napilitan si Nick na ipasyal si Audrey sa Europa para magbakasyon at subukang ibalik ang dating init ng kanilang pagmamahalan.

Ang problema, mapupunta sa ibang direksyon ang kanilang bakasyon matapos nilang makilala ang aristocrat na si Charles Cavendish (Luke Evans). Sasama ang dalawa sa imbitasyon nito para sa isang family yacht celebration kung saan hindi nila inaasahang isang bilyonaryong matanda ang mamamatay at ang suspetsa ay mapupunta sa kanilang mag-asawa.

Simple pero nakaka-intriga ang kuwento ng pelikulang ito. Tipikal na hanapan ng killer katulad ng iba pang pelikula na may kaparehong genre. Ang kaibahan nga lang nito ay may halo itong comedy na okay lang din naman sa akin. Minsan, pasok sa banga ang mga biro sa palabas pero may mga eksena rin namang nakaka-cringe. Ganoon pa man, nabalanse naman ang pagiging humorous nito at ang pagkakaroon nito misteryo.

Sa kabilang banda, maganda rin ang naging chemistry nila Sandler at Aniston. Talagang gamay na gamay na nilang dalawa ang pagpapatawa ng walang kahirap-hirap, pareho silang natural at kapani-paniwala. May mga pagkakataon nga lang na medyo hindi pasok ang mga banat ng karakter ni Sandler dahil sa kaniyang delivery o baka dahil lang hindi talaga ako fan ng comedic style niya.

Sa pangkalahatan, sakto lang ang palabas para ma-enjoy mo. Hindi siya gaanong bonga na mapapa-wow ka talaga pero hindi rin naman pangit na masasayangan ka sa inilaan mong oras. May disente itong kuwento na sapat na para magbigay aliw ng ilang oras.


© Happy Madison Productions, Endgame Entertainment, Vinson Films, Tower Hill Entertainment, Mythology Entertainment, Denver and Delilah Productions

No comments:

Post a Comment