★★★★★★★★★★
Starring: Dennis Trillo, Ruru Madrid
Genre: Crime, Drama
Runtime: 1 hour, 36 minutes
Director: Zig Dulay
Writer: Ricky Lee, Angeli Atienza
Production: GMA Pictures, GMA Public Affairs, Brightburn Entertainment
Country: Philippines
Ang Green Bones ay umiikot sa buhay ni Xavier Gonzaga (Ruru Madrid), isang bagong correctional officer na may matinding galit sa mga mamamatay-tao na katulad ni Dom Zamora (Dennis Trillo), isang bilanggong nahatulan sa pagpatay sa sarili nitong pamilya.
Nang mapasama si Dom sa listahan ng mga presong malapit nang makalaya dahil sa mabuting asal, naging misyon ni Xavier na bantayan ang bawat kilos nito. Pilit niyang hinahanapan si Dom ng kahit anong pagkakamali upang mapigilan ang inaasam nitong kalayaan. Ngunit habang binabantayan niya ito, hindi kahinaan ni Dom ang kanyang masasaksihan kundi mga gawaing may malasakit, kababaang-loob at tunay na pagbabago.
Ang Green Bones ay isang pelikulang may malinaw at matapang na layunin — ang ipakita ang misteryo at katotohanan sa likod ng mga rehas. Sa umpisa pa lang, ramdam mo na ang tanong na gusto nitong ihain sa manonood: Kaya ba talagang magbago ng isang makasalanang tao?
Tampok dito ang dalawang malaking punto. Una ay ang prejudice laban sa mga person deprived of liberty at ikalawa ay ang pananaw ng mga biktima na patuloy na nangangailangan ng hustisya. Dalawang magkaibang mundo pero parehong puno ng hinanakit at tanong tungkol sa kung ano ba talaga tama at mali.
Unang mapapansin sa pelikula ay ang mga magagandang kuha nito. Cinematic ang dating, bawat establishing shot ay maayos ang komposisyon at may creative na anggulo. Hindi lang basta maganda sa mata, may kuwento rin ang bawat frame.
Sa mas malalim na antas, ang pelikulang ito ay tila sigaw ng mga pinagkaitan ng kalayaan sa Pilipinas. Isa itong representasyon para sa mga taong madalas patahimikin ng lipunan. Ang palabas ay komentaryo rin sa mga pulis na mapang-abuso.
Pagdating sa pag-arte, tunay na nagningning sina Trillo at Madrid. Pareho silang nagbigay ng natatanging pagganap na may lalim at puso. Ramdam mo ang bigat ng kanilang mga karakter at ang katotohanan sa bawat eksena. Maging ang mga supporting cast ay hindi nagpatalo at nagkaroon din sila ng kaniya-kaniyang moment.
Sa dulo, iiwan ka ng Green Bones na nag-iisip at mapapatanong kung may malinaw ba talagang linya sa pagitan ng mabuti at masama. Sino nga ba ang magdedesisyon kung sino sa atin ang masama at kung sino ang mabuti?. Hindi ito pelikulang basta mo lang papanoorin at kakalimutan. Isa itong kuwento na tatama sa’yo at magbubukas ng usapan. Sa madaling sabi, worth recommended ito, hindi lang para maaliw kundi para magmuni-muni.
© GMA Pictures, GMA Public Affairs, Brightburn Entertainment
No comments:
Post a Comment