Search a Movie

Sunday, August 17, 2025

Mga Munting Tinig (2002)

6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Alessandra de Rossi
Genre: Drama, Music
Runtime: 1 hour, 49 minutes

Director: Gil Portes
Writer: Adolfo Alix, Jr., Gil Portes, Sendy Que
Production: CAP Philippines, Inc Teamwork Productions
Country: Philippines


Isang substitute teacher si Melinda Santiago (Alessandra de Rossi) sa isang pampublikong paaralan sa bayan ng Malawig. Sa pagdating niya sa kaniyang bagong paaralan, agad nitong napansin ang mga pangunahing problema dito. Una na ang kakulangan sa kagamitan, mga sira-sirang silid-aralan, kakulangan ng suporta mula sa lokal na administrasyon ng paaralan at ang mga estudyanteng tila nawalan na ng pag-asa dahil sa kahirapan.

Sa kabila ng mga balakid, mula sa kawalan ng pondo, hindi pagkakaintindihan mula sa ibang guro at hanggang sa kaniya-kaniyang problema ng kaniyang mga estudyante, pinilit ni Melinda na pasiglahin ang mga bata. Isinali niya sila sa isang choral competition, hindi para sa pera, kundi para muling mapukaw ang kanilang puso’t pag-asa sa pag-aaral.

Sa unang tingin, ang Mga Munting Tinig ay isang makabuluhang pelikula na tumatalakay sa kahirapan, edukasyon at ang kapangyarihan ng pagkakaron ng pangarap — mga temang kailanman ay hindi mawawalan ng saysay lalo na't hanggang ngayon ay ito pa rin ang mga pangunahing problema ng bawat Pilipino.

Subalit sa kabila ng maganda nitong layunin, tila kinapos ang pelikula pagdating sa maayos na storytelling. Maraming conflict ang isinantabi o basta na lang naresolba off-screen. Halimbawa ay ang mga tauhang tutol sa patimpalak na bigla na lamang sumuporta nang walang malinaw na dahilan o kahit eksenang magpapakita kung paano sila napapayag ng bida. Maganda sana iyong i-highlight ng palabas kaso ay hindi nila ito nagamit para kumuha ng simpatya sa maonood.

Ang ganoong klase ng treatment sa conflict ang dahilan kung bakit bumaba ang tensyon ng sa palabas. Ang naging paglalakbay ni Melinda, bilang isang guro, at ng mga batang tinutulungan niya, ay hindi ko tuloy naramdaman. Nawala ang bigat ng sakripisyo, paghihirap at mga desisyong kailangang pagdaanan ng bida. Ang mga solusyon kasi sa problema niya ay tila naibigay na lamang nang kusa. Hindi siya hinubog nito sa tulong ng kaniyang pagkatao o determinasyon.

Hindi rin nabigyan ng sapat na pagkakataon ang bida upang maipakita ang kaniyang character development. Ano nga ba ang natutunan niya mula sa mga bata? Ano ang naging epekto ng karanasan niya bilang guro at bilang tao? Mga tanong na sana'y nasagot ng pelikula ngunit hindi na ito nabigyan pa ng pansin. Hindi ko rin gaanong nagustuhan ang pagkakabuo sa background story ng ibang karakter. Hindi sila nagkaroon ng maayos na pagkakahulma at parang idinagdag lang sila para magkaroon ng emotional impact kaso ay hindi ko rin ito naramdaman dahil hindi naging buo ang pagkakakuwento sa buhay nila.

Sa kabuuan, maganda ang naging tema ng pelikula. Malinaw ang mensaheng nais nitong iparating tungkol sa mga bata na gaano man kahirap ang kanilang kalagayan ay may karapatan pa rin silang mangarap. Subalit ang kakulangan nito ng matibay na storytelling, character development at emotional depth ang naging hadlang upang magkaroon ito ng impact sa mga manonood.


© CAP Philippines, Inc Teamwork Productions

No comments:

Post a Comment