Poster courtesy of Coming Soon © Nexus Factory |
★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Noomi Rapace, Glenn Close
Genre: Action, Sci-Fi
Runtime: 2 hours, 3 minutes
Director: Tommy Wirkola
Writer: Max Botkin, Kerry Williamson
Writer: Max Botkin, Kerry Williamson
Production: Nexus Factory, Raffaella Productions, SND Films, Title Media, Umedia, Vendôme Pictures, uFund
Country: United Kingdom, France, Belgium
Sa taong 2043, isa sa pinakamalaking problema ng mundo ang overpopulation. Kaya naman ang Child Allocation Bureau na pinangungunahan ni Nicolette Cayman (Glenn Close) ay nagsagawa ng one-child policy upang masolusyunan ang naturang problema. Ang sino mang lumabag dito o kung ang isang ina ay nagkaroon ng higit sa isang anak ay automatic na sasailalim sa cryosleep ang ibang bata kung saan diumano ay patutulugin ang mga anak nito, maliban sa panganay, at gigising na lang sa panahon kung saan ang overpopulation ay hindi na problema ng sanlibutan.
Isang babae na nagngangalang Karen Settman ang namatay sa panganganak ng identical-septuplet. Ang ama nitong si Terrence Settman ang nag-alaga sa mga bata kung saan pinangalanan nito ang pitong magkakapatid ng mga araw sa isang lingo. Upang hindi mabisto ng gobyerno ang kanilang sikreto ay itinago ni Terrence ang pitong magkakapatid sa isang bahay kung saan maaari lang silang lumabas sa araw kung saan nakabase ang kanilang pangalan. At pagdating sa labas ay isasabuhay nila ang katauhan ni Karen Settman (Noomi Rapace). Ilang taong nabuhay ang magkakapatid sa ganitong istilo ng pagtatago hanggang sa isang araw ay bigla na lang hindi umuwi si Monday.
Fresh at kakaibang konsepto ang inihain ng What Happened to Monday. Bagong atake ito sa mga dystopian movies na taun-taon dumarating sa big screen. Maganda ang naging kuwento nito na nagsisilbi na ring eye-opener sa mga manonood dahil hindi nalalayong mangyari ang istorya nito sa tunay na buhay lalo na't mabilis ang paglobo ng populasyon ng ating mundo.
Malaki ang naging paghanga ko kay Rapace sa palabas na ito dahil nagawa niyang magbigay ng pitong karakter na may iba't-ibang personalidad at paraan ng pag-arte upang maipakita ang pagkakaiba ng mga magkakapatid. Sa buong pelikula, hindi mo aakalaing ang mga bida nito ay iisang tao lang. Dahil na rin ito sa suporta ng magandang visual effects at costume design.
Mula sa simula ay magbibigay ang palabas ng intense na mga kaganapan hanggang sa matapos ito. Magaganda ang mga ipinamalas na aksyon ng pelikula at bibigyan ka ng adrenaline rush sa bawat labanan. Sa parehong pagkakataon ay ipapadama ng pelikula ang malungkot na sinapit ng ating bida dahil sa kapabayaan ng mga tao.
Isang pelikulang hindi ka bibiguin pagdating sa entertainment. May dala itong aksyon, suspense at mystery gayun din ang isang magandang mensahe na maaaring isaisip para sa ating hinaharap.
No comments:
Post a Comment