Genre: Biography, Drama, Sports
Runtime: 129 minutes
Director: John Lee Hancock
Writer: John Lee Hancock, Michael Lewis (novel)
Production: Alcon Entertainment, Left Tackle Pictures, Zucker/Netter Productions
Country: USA
Sino ang mag-aakalang ang All American football player na si Michael Oher ay mayroon palang rags to riches na kuwento? Ang The Blind Side ay iikot sa naging buhay ni Michael Oher bago siya sumikat at makilala sa larangan ng football. Isang batang walang sariling tirahan at nakikitulog lang sa bahay ng kaniyang kaibigan, ito ang naging buhay ni Michael (Quinton Aaron) noong siya'y binata pa lang. Sa tulong ng ama ng kaniyang kaibigan ay sinubukan silang ipasok sa isang Christian school, dahil sa magandang pangangatawan na nababagay sa isports ay kinuha siya ni Coach Burt Cotton (Ray McKinnon) sa kabila ng pagkakaroon ng mabababang grado.
Sa kaniyang bagong paaralan, nakilala ni Michael si Sean "SJ" Tuohy, Jr. (Jae Head) na hindi nagtagal ay naging kaibigan nito. Nang malaman ng ina ni SJ, Leigh Anne Tuohy (Sandra Bullock) ang estado ni Michael ay pinatira niya ang binata sa kanilang tahanan hanggang sa pagtagal ay unti-unti na siyang naging miyembro ng kanilang pamilya. Agad nagbago ang mahirap na buhay ni Michael at sari-saring oportunidad ang biglang dumating sa kaniya. Sa tulong ni Leigh Anne ay nagseryoso si Michael sa paglalaro ng football hanggang sa nasanay at lumabas ang tunay na talento sa paglalaro nito.
Si Bullock ang nagdala ng pelikula, para siyang isang sopistikadang fairy godmother. Hindi man ako pamilyar kay Leigh Anne, masasabi kong magaling ang ipinamalas ni Bullock sa karakter niya na ibang-iba sa mga romantic comedy flicks na nagawa na niya. Magaling din naman si Aaron, tama lang ang pagpapakita niya ng isang binatang mahiyain at salat sa marangyang buhay ngunit mas nangibabaw talaga si Bullock, ang mga eksena niya ang nagbibigay buhay sa pelikula.
Pagdating sa cinematography, magulo ang shots sa mga football scenes. Mahirap hanapin kung nasaan ang bida kaya hindi mo alam kung sino ang susundan mo sa screen. Pero bukod doon at sa ilang eksena na nasobrahan ng pagka-drama ay wala nang ibang problema.
Ang The Blind Side ay isang pelikula na hango sa tunay na buhay, magbibigay ng makabuluhang kuwento, inspirasyon at aral. Hindi masasayang ang oras mo sa panonood nito.
No comments:
Post a Comment