Search a Movie

Wednesday, June 10, 2015

Heaven is for Real (2014)

7 out of 10 stars
★★★★★★★☆☆☆

Starring: Greg Kinnear, Connor Corum, Kelly Reilly
Genre: Drama
Runtime: 99 minutes

Director: Randall Wallace
Writer: Randall Wallace, Christopher Parker, Todd Burpo (novel)
Lynn Vincent (novel)
Production: TriStar Pictures, Roth Films, Screen Gems
Country: USA

Bata pa lamang tayo ay ipinakilala na sa atin ang konsepto ng langit at impyerno. Marami ang naniniwala, may ilan namang itinuturing lang itong kathang-isip lamang. Ngunit paano kung isang araw, isa sa mga kamag-anak mo ang magsabing nakapunta na siya sa langit? Paniniwalaan mo ba ito?

Ang Heaven is for Real ay tungkol sa tunay na kuwento ng isang apat na taong gulang na si Colton Burpo (Connor Corum) at ng kaniyang ama na isang pastor, Todd Burpo (Greg Kinnear). Matapos makaranas ng isang near-death experience si Colton ay ikinuwento nito sa kaniyang ama ang kaniyang naging paglalakbay sa langit. Ayon sa kaniya, habang nasa kalagitnaan daw siya ng operasyon ay nakita niya ang sarili niyang inooperahan, kasabay no'n ay ang kaniyang ina na nasa telepono at ang ama na nasa kabilang kuwarto at sinisigawan ang rebulto ng Panginoon.

Noong una'y inakala nina Todd at Sonja (Kelly Reilly) na hallucination lang ito ni Connor ngunit sa mga sumunod na araw ay nagsimula na itong magkuwento ng mga pangyayari sa kanilang buhay na wala dapat siyang kaalam-alam katulad ng kapatid niyang namatay sa sinapupunan ni Sonja at ang ama ni Todd na matagal nang pumanaw.

Sa pagkalat ng balitang ito ay hindi malaman ni Todd kung paniniwalaan ba niya ang kaniyang anak lalo na't nakasalalay dito ang kaniyang pagiging pastor at ang pangalan ng kanilang iglesya.

Masusubok ang pananampalataya mo sa pelikulang ito, kung gaano katibay ang paniniwala mo sa mga nakasulat sa bibliya. Sa aking panonood ay 'di ko maiwasang tanungin ang sarili ko, kung ako ang nasa sitwasyon ni Todd, maniniwala din ba ako?

Ipapakita dito kung papaano ang buhay ng isang pastor, na tao rin sila, nagagalit, nag-aalinlangan at nagmamahal. Yun nga lang, masyado nilang ipinakita ang side na ito ng buhay ni Todd at may mga eksenang tila awkward panoorin bilang isa itong "Christian film". 

Walang problema pagdating sa mga aktor na gumanap, magaling si Kinnear at kahanga-hanga rin si Corum na bukod sa cute ay marunong ding umarte. May ilang eksena na sa edad niya'y akala mo hindi niya kayang gawin ngunit nagawa niya ng maayos. Maliban sa mga aktor ay mahusay din ang cinematography ng pelikula, kahanga-hanga kung papaano ipinakita ni Randall Wallace ang angking kagandahan ng kalikasan sa kaniyang mga aerial shots. Nagawa niyang mala-paraiso ang ating lugar na angkop na angkop sa tema ng pelikula.

Ito ay kuwento mula sa tunay na buhay ng isang mag-ama at kung papaano sila pinag-isa ng kanilang paniniwala. Puno ng magagandang mensahe na minsan ay kailangan din nating matutunan upang ma-enjoy ang ating buhay.

No comments:

Post a Comment