Genre: Crime, Drama, Thriller
Runtime: 151 minutes
Director: Martin Scorsese
Writer: William Monahan
Production: Warner Bros., Plan B Entertainment, Initial Entertainment Group,
Vertigo Entertainment, Media Asia Films
Vertigo Entertainment, Media Asia Films
Country: USA
Si Colin Sullivan (Matt Damon), inalagaan at pinalaki ng Irish gang leader na si Frank Costello (Jack Nicholson) upang maging espiya sa Massachusetts State Police. Nang magtapos ito sa police academy ay agad siyang natanggap sa Special Investigations Unit ng Massachusetts na nakatoka sa mga sindikatong tulad ni Costello.
Samantala, bago naman maging ganap na isang pulis si Billy Costigan (Leonardo DiCaprio) ay sinubukan siyang i-recurit nila Captain Queenan (Martin Sheen) at Staff Sergeant Dignam (Mark Wahlberg) upang maging undercover sa grupo nila Costello. Dahil may kamag-anak siyang dati nang sumasali sa mga sindikato ay siguradong hindi siya pagdududahan. Nang tanggapin ni Costigan ang alok ay agad siyang nag-drop sa eskwelahan at sa ilang buwan ay nagpanggap siya bilang isang preso na may pekeng kaso, dito ay hindi kukuwestyunin ang pagsali nito sa grupo nila Costello.
Agad naging parte si Costigan sa grupo ni Costello na noong una ay nahirapan pang mag-adjust sa bago niyang buhay. Maayos at wala na sanang problema ang pagiging undercover ni Costigan kung hindi lang napansin ni Costello na tila may espiya sa kanilang grupo, mas lumala pa ang sitwasyon nang mapagtanto rin ni Costigan na mayroon ding espiya si Costello sa mga pulisya. Dahil dito ay kinakailangang malaman agad ni Costigan kung sino ang espiya sa State Police bago siya mabuko at manganib ang buhay.
Hindi ko pa napapanood ang orihinal na pelikula, Infernal Affairs (2002), kung saan ito binase pero ang masasabi ko lang dito sa The Departed ay sobrang intense ng pelikulang ito. Bawat eksena ay pakakabugin nito ang puso mo. Ito ang tipo ng pelikula na nagpapatunay na hindi kinakailangan ng mga imposibleng action sequences para lang makapagbigay ng thrill. Malaman ang kuwento, maganda ang execution at lahat ng nagsiganapang aktor ay walang patapon.
Sa kanilang lahat, si DiCaprio talaga ang nag-shine. Magaling rin si Matt Damon ngunit madali siyang nasapawan ni DiCaprio. Kuhang-kuha kasi nito ang angas ng pagiging gang member na sa kabila ng pagiging matapang ay marami ring kahinaan sa loob-loob, makukuha nito ang buo mong simpatya at siya talaga ang aabangan mo sa buong pelikula.
Maganda ang pacing ng kuwento, mas bumilis lang ang mga pangyayari pagdating sa dulo kung saan magbibigay konklusyon na ang pelikula. Ito yung parte ng palabas na hindi mo dapat palampasin dahil dito mangyayari ang mga paghaharap at pagbubunyag. Sa bilis ng mga kaganapan ay magugulat ka na lang sa biglaang twist na nakatanim sa huli at habang nagro-roll ang credits ay iiwan kang hindi makapaniwala at mapapa-isip sa kabuuan ng iyong napanood.
Sa tingin ko ay ganito ang tipo ng mga pelikulang hinahanap ng mga taong mapili sa mga pinapanood. Intelihente ang kuwento at sigurado akong hindi nito sasayangin ang oras mo.
No comments:
Post a Comment