Search a Movie

Thursday, June 11, 2015

Jupiter Ascending (2015)

5 out of 10 stars
★★★★★☆☆☆☆☆

Starring: Mila Kunis, Channing Tatum
Genre: Action, Adventure, Sci-Fi
Runtime: 127 minutes

Director: Andy Wachowski, Lana Wachowski
Writer: Andy Wachowski, Lana Wachowski
Production: Village Roadshow Pictures, Warner Bros., Dune Entertainment
Country: USA, Australia

Si Jupiter Jones (Mila Kunis) ay isang dalaga na ang hanap-buhay ay ang maglinis ng mga tahanan ng mayayaman kasama ang kaniyang ina at tiyahin. Ang buhay niyang ito ay biglang nabago nang atakihin siya ng mga nilalang na para sa mga tao ay dating kathang-isip lamang... mga alien na galing sa ibang planeta.

Ang mga alien na ito ay ipinadala ni Balem Abrasax (Eddie Redmayne), isa sa tatlong magkakapatid mula sa House of Abrasax - ang pinaka makapangyarihang alien dynasty sa buong universe, upang patayin si Jupiter na pinaniniwalaang reincarnation ng kanilang namayapang ina. Ngunit hindi natupad ang plano nilang pagpaslang dahil sa pagpasok ni Caine Wise (Channing Tatum) isang galaxy soldier na ipinadala naman ni Titus Abrasax (Douglas Booth) para sa sarili niyang plano para kay Jupiter.

Mula sa simpleng taga-linis ng mansyon, sa isang iglap ay naging tagapagmana ng planetang Earth si Jupiter. Dahil nasa kaniya ang mga katangian ng namayapang ina ng House of Abrasax ay siya na ngayon ang nagmamay-ari ng Earth. Ngunit hindi ganoon kadali ang lahat dahil simula ngayon ay kailangan na niyang protektahan hindi lang ang kaniyang sarili kundi pati ang kaniyang pamilya at lahat ng naninirahan sa Earth mula sa masasamang nilalang na nais puksain ang kaniyang planeta.

Dalawa lang ang maganda sa pelikulang ito: effects at costumes, iyong iba ay siya nang sumira sa kabuuan ng palabas na ito. Mukhang hindi nila masyadong pinag-isipan ang kuwento. Kung iintindihin mong mabuti, ang mga pinaka makapangyarihang alien sa buong universe na naniniwala sa reincarnation ay nagtatalo dahil sa isang simpleng tao na kamukha ng kanilang ina at dahil dito, inakala na nilang siya na ang nagmamay-ari ng Earth. Ni hindi man lang napatunayan o ibinahagi sa manonood kung paano naging lehitimong tagapagmana si Jupiter.

Hindi convincing ang love angle sa pagitan nila Jupiter at Caine, ni hindi man lang binigyan ng pagkakataong ma-develop ang pag-ibig nila sa isa't-isa. Masyado ring mahahaba at medyo nakaka-bore ang fight scenes na parang ginawa lang upang maipakita na maganda ang visual effects. Speaking of boring, nakakaburyo ang karakter ni Mila Kunis dito, masyado siyang mabilis naka-adapt sa "alien world" at walang magandang nangyari sa character niya kundi magsuot lang ng magagandang gowns. Pagdating naman kay Channing Tatum, wala rin gaanong kaganapan sa kaniya kundi ang magpamalas lang ng galing sa pakikipaglaban. 

Ang iniisip siguro ng mga gumawa nito ay basta maganda na ang effects at dahil ginamit sa promotion ang The Matrix trilogy ay okay na. Maganda nga ang effects ngunit hindi pwedeng doon na lang natin iasa ang buong pelikula dahil pinakamahalaga parin sa lahat ay ang kuwento. 

Overall ay nakaka-bore ang pelikulang ito na halos mahila na rin pababa ang kagandahan ng effects at costumes na napansin ko ay may kaunting touch sa wardrobe ng mga nakatira sa Panem. 

No comments:

Post a Comment