Search a Movie

Saturday, June 20, 2015

The Boy Next Door (2015)

6 out of 10 stars
★★★★★★☆☆☆☆

Starring: Jennifer Lopez, Ryan Guzman
Genre: Thriller
Runtime: 91 minutes

Director: Rob Cohen
Writer: Barbara Curry
Production: Smart Entertainment, Blumhouse Productions, 
Nuyorican Productions, Universal Pictures
Country: USA

Si Claire Peterson (Jennifer Lopez) ay isang seperadang guro na naninirahan mag-isa kasama ang teenager nitong anak, Kevin (Ian Nelson). Ang tahimik nilang buhay ay naiba nang makilala nila ang bago nilang kapitbahay na si Noah Sandborn (Ryan Guzman) na lumipat ng bahay upang alagaan ang tiyuhing nasa wheelchair. Agad nakagaanan ng loob ni Kevin si Noah at naging magkaibigan ang dalawa samantala, nagkaroon naman ng interes si Noah kay Claire.

Sa araw na umalis sina Kevin at ama nitong si Garrett Peterson (John Corbett) upang mangisda ay ito ang kinuhang pagkakataon ni Noah upang masolo si Claire. Nagpatulong ang binata sa niluluto nitong pagkain na siya namang ginawa ni Claire ng walang pagaalinlangan matapos manggaling sa isang magulong date. Nang lumalim ang gabi ay nagsimulang makipag-flirt si Noah kay Claire hanggang sa nauwi ang dalawa sa isang mainit na pagtatalik.

Kinaumagahan, agad nilinaw ni Claire na isang pagkakamali lang ang nangyari sa pagitan nilang ni Noah. Hindi maganda ang pagtanggap dito ng binata sa pag-aakalang mahal din siya ni Claire. Nagsimulang i-blackmail ni Noah si Claire gamit ang video na lihim nitong kinuha ng gabing sila'y magsiping. Nagsimula ding i-brainwash ni Noah si Kevin upang magalit ito sa kaniyang ama na ngayo'y unti-unti nang nakikipagbalikan sa kaniyang ina. 

Nang malaman ni Claire ang tunay na kulay ni Noah ay kinakailangan niya ngayong gumawa ng paraan upang hindi masira ang kaniyang pangalan at matigil na ang obsession sa kaniya ng binata at upang malayo sa peligro ang kaniyang pamilya sa isang psychopath na gagawin ang lahat makuha lang siya.

Kailangan mo ng napakahabang pasensya upang matapos mo ang palabas na ito. Para akong nanonood ng Pinoy teleserye na kahit alam mong exaggerated na ang pagiging aping-api ng bida ay gusto mo parin itong matapos sa pag-aakalang mayroon itong magandang pagtatapos. Maha-high blood ka sa mga pangyayari dahil sa consistent na pagiging talunan at engot ng bida pero masasabi kong worth it naman ang pagkabanas ko ng halos 90% ng pelikula dahil nagustuhan ko ang pagganti ng api sa kalaban at talagang tumaas ang adrenaline rush ko pagdating sa climax kahit na alam kong halos imposible na ang mga nangyayari na kailangan mong tanggapin upang mabawi lang ang pagkainis mo ng halos isang oras at dalawampung minuto.

Sa kuwento, sinira na ito ng trailer dahil alam mo na ang aasahan habang nanonood. Walang ganoong twist and turns at hindi gaanong ka-engrande ang kuwento, sa katunayan boring ang buong storyline. Siguro ang naging kaabang-abang na lang dito ay kung papaano gagantihan ng bida ang kontrabida na sana'y mas hinabaan pa.

Wala akong nakitang mali sa pag-arte ni JLo, hindi siya naging problema sa akin dahil maayos naman ang pag-arte niya. Magaling din si Ryan Guzman na may anghel na hitsura ngunit demonyong kalooban. Ang naging problema lang siguro ay walang chemistry ang dalawa na ayos lang dahil hindi naman ito romantic film. 

Kung umiiwas ka sa mga nakaka-highblood na palabas, lampasan mo na lang ang pelikulang ito. Kung mahilig ka naman sa lokohan at pamba-blackmail, maaari mo itong subukan ngunit hindi ko maipapangako ang hundred percent entertainment dahil ang huling sampung minuto lang ang nagustuhan ko dito.

No comments:

Post a Comment