Genre: Animation, Adventure, Comedy, Musical
Runtime: 95 minutes
Director: Jorge Gutierrez
Writer: Jorge Gutierrez, Doug Langdale
Production: Reel FX Creative Studios, 20th Century Fox, Chatrone
Country: USA
Nagsimula ang lahat sa isang pustahan na ang dahilan ay ang kagustuhan ni Xibalba (Ron Perlman), ang kasalukuyang namumuno sa Land of the Forgotten na tahanan ng mga espiritung wala nang nakaka-alala sa mundo ng mga buhay, na makuha ang Land of the Remembered na pinamumunuan naman ni La Muerte (Kate del Castillo) - ito naman ay ang lugar para sa mga espiritung hindi pa nakakalimutan ng mga mortal.
Ang nasabing pustahan ay sa pagitan nila Manolo Sánchez (Diego Luna) at Joaquín Mondragon (Channing Tatum) na naglalaban para sa kamay ng kaibigan nilang si María Posada (Zoe Saldana). Naniniwala si La Muerte na si Manolo ang makakatuluyan ni María samantalang kay Joaquín naman pumusta si Xibalba. Kapag si La Muerte ang nagwagi ay ipapangako ni Xibalba na hindi na siya makiki-alam sa mga mortal at kapag si Xibalba naman ang nanalo ay siya na ang mamumuno sa Land of the Remembered.
Ilang taon ang lumipas at sumapit na sa tamang edad ang magkakaibigan at sa ngayon ay mas tumindi pa ang kumpetisyon sa pagitan nila Manolo na isa na ngayong bullfighter at ng itinuturing na town hero na si Joaquín. Nang mapansin na tila kay Manolo na umiibig si María ay gumawa ng isang pandaraya si Xibalba na ikakanganib naman ng buhay ni Manolo. Dahil dito, kinakailangang gumawa ng paraan si Manolo upang maibalik ang kaniyang buhay na nawala at sa tulong ng kaniyang mga namayapa nang kamag-anak ay papasukin nito ang mapanganib na mundo ng mga espiritu maipaglaban lang ang pag-iibigan nila ni María.
Kakaiba ang pelikulang ito sa mga karaniwang animated films na napapanood natin ngayon sa big screen. Aakitin nito ang iyong paningin dahil sa makukulay na animations na nagsusumigaw ng good vibes. Maganda ang pagkakaguhit, punong-pungo ng detalye ang bawat karakter at maging ang mga background ay nakaw pansin na bawat eksena ay para kang nasa fiesta. Hindi lang paningin ang mabubusog sa'yo sa pelikulang ito, maging ang iyong pandinig dahil maganda rin ang mga pop songs na napiling gamitin sa pelikula.
Pagdating sa kuwento maganda ang unang kalahati ng pelikula ngunit pagdating sa last half ay naiba ang timpla ng istorya. Mula sa simpleng kuwentong pag-ibig ay sa pakikipagsapalaran na ni Manolo sa ibang mundo ang naging sentro ng palabas na ayos lang para sa akin kung hindi lang sana corny ang kinalabasan pero madali lang naman itong palampasin. Ang isa pang nagbigay appeal sa The Book of Life ay binubuo ito ng ibang kultura at lahi, base ang kuwento nito sa Mexican culture na halos parehas lang din sa kultura ng Pinoy kaya mas may hatak ito para sa akin.
Ito ay para sa mga taong naghahanap ng bago at unique na palabas, may maayos na kuwento at magandang visual style na magbibigay ngiti sa inyong mga labi.
Ito ay para sa mga taong naghahanap ng bago at unique na palabas, may maayos na kuwento at magandang visual style na magbibigay ngiti sa inyong mga labi.
No comments:
Post a Comment