Search a Movie

Sunday, June 28, 2015

Flightplan (2005)

6 out of 10 stars
★★★★★★☆☆☆☆

Starring: Jodie Foster, Peter Sarsgaard, Sean Bean
Genre: Action, Drama, Mystery
Runtime: 98 minutes

Director: Robert Schwentke
Writer: Peter A. Dowling, Billy Ray
Production: Touchstone Pictures, Imagine Entertainment
Country: USA

Isang aircraft engineer si Kyle Pratt (Jodie Foster) na kasalukuyang nagtatrabaho sa Berlin, Germany. Nang mamatay ang kaniyang asawa matapos mahulog sa building na kanilang tinitirahan ay naisipan niyang i-uwi ang mga labi nito sa US. Kasama ang anim na taong gulang na anak na si Julia (Marlene Lawston) ay sumakay ang dalawa sa isang bagong gawang eroplano kung saan isa siya sa mga nag-disenyo nito. 

Ilang oras matapos ang take off, nagising si Kyle na wala na ang anak sa kaniyang tabi. Agad itong nag-panic at umagaw ng atensyon. Sa utos ng pilotong si Captain Marcus Rich (Sean Bean) ay hinalughog nila ang buong eroplano upang hanapin ang bata. Matapos ang malawakang paghahanap ay wala silang nakitang bata, dahil dito unti-unti na nilang pinagdudahan si Kyle kung mayroon nga ba siyang kasamang anak o wala lalo na't wala ninuman sa mga pasahero ang nakaka-alala o nakakakita kay Julia. Lalong lumakas ang suspisyon ng lahat nang malamang umiinom ng gamot si Kyle dahil sa stress at higit sa lahat, wala itong maipakitang ticket na dapat ay para sa kaniyang anak.

Intriguing ang premise ng Flightplan na loosely based sa pelikulang The Lady Vanishes (1938). Hindi ko pa napapanood ang The Lady Vanishes ni Alfred Hitchcock kaya nang mabasa ko ang kuwento ng Flightplan ay agad akong nagka-interes dito lalo na't si Jodie Foster pa ang bida. 

Maganda ang pagbuild-up ni Robert Schwentke sa tensyon ng pelikula. Simula pa lang ay alam mo na na may magaganap na masama sa bida kahit na hindi mo man napanood ang trailer o nabasa ang kuwento nito sa internet, lalong gaganda ang tensyon na ito kapag alam mo na talaga kung tungkol saan ang kuwento bago mo ito panoorin.

Pero sa kabila ng magandang simula ay unti-unting bumaba ang quality ng pelikula habang umuusad ang kuwento. Para itong eroplano na mula sa tuktok ay dahan-dahang bumababa. Matapos ang mga rebelasyon at ang hindi gaanong ka-wow na twist ay doon na talaga lumagapak ang pelikula. Hindi naihatid ni Schwentke sa dulo ang ibinigay nitong tensyon sa simula. Dumami ang mga katanungan, nagkaroon ng ilang hindi ko masasabing loophole pero ilang pangyayari na nagkulang pagdating sa pagsusulat ng kuwento na hindi ko maaaring sabihin dahil maaaring masira ang thrill ng pelikula.

Gayunpaman, ipinamalas ulit ni Foster ang galing niya dito bilang matapang at determinadong ina. May ilang pagkakataon na maiinis ka sa karakter niya pero parte iyon ng pagkakaroon ng makatotohanang kuwento. Maayos din ang pag-arte ni Sarsgaard sa simula pero nang mangalahati na ang palabas ay wala ka nang makikitang pagbabago sa pag-arte niya at iyon ang nakabawas sa excitement ng pelikula.

Sa kabila ng ilang pagkukulang, maganda ang naging konklusyon nito at iyon ang nagustuhan ko. Hindi man ganoon kataas ang naging katapusan, satisfying parin naman ang ending. 

No comments:

Post a Comment