Genre: Comedy, Romance, Family, Musical
Runtime: 98 minutes
Director: Kenny Ortega
Writer: Peter Barsocchini
Production: Disney Channel, Salty Pictures, First Street Films
Country: USA
Si Troy Bolton (Zac Efron) ay basketball captain, si Gabriella Montez naman ay isang mahiyaing transfer student na mahusay sa mathematics at science. Unang nagkakilala ang dalawa sa isang New Year party kung saan nasubok ang galing nila sa pagkanta. Nang malamang pareho sila ng eskwelahang pinapasukan ay sinubukan nilang ituloy ang nasimulang pagkakaibigan sa pamamagitan ng pagtahak sa mundo kung saan sila parehong magkasundo... sa pag-awit.
Kahit na iba sa nakasanayang gawain ay nagsubok sumali sina Troy at Gabriella sa audition para sa isang winter musical ng kanilang eskwelahan. Masaya ang dalawa nang mabigyan sila ng pagkakataong bumalik para sa callback ngunit nang mabalitaan ito ng kani-kanilang kaibigan ay hindi sila nasiyahan sa balitang ito.
Isa na yata ang High School Musical sa mga pinaka-successful na TV Movie na nagawa dahil nagkaroon pa ito ng dalawang sequel at theatrical release para sa pangatlong pelikula. Mayroon itong maayos at disenteng kuwento na tatalakay sa mga karaniwang problema ng kabataan sa eskwela, ang pressure sa mga kaibigan at pressure sa magulang. Tungkol din ito sa pagtuklas at paggamit sa mga natatago nating talento kahit malayo ito sa inaasahan ng mga tao sa ating paligid.
Dito ko unang napanood sina Efron at Hudgens na bagamat hindi pa gaanong magaling ang kakayahan nila sa pag-arte ay umaapaw naman ang kanilang screen chemistry. Halos dadalawa lang ang emosyon na kayang ipakita ni Hudgens, ang ngumiti at sumimangot at karamihan ay pa-cute samantalang kay Efron naman, okay na pero may ilang pagkakataon na hindi siya convincing sa ginagawa niya at minsan ay awkward siyang tignan habang sumasayaw.
Gayunpaman, ang lahat ng ito ay mapapalampas mo naman dahil bumawi sila sa pagkakaroon ng napakagandang soundtrack. Masarap sa pandinig ang mga kantang ginamit dito at ang maganda ay madali lang sabayan at intindihin ang mga liriko na bumabagay sa bawat eskena ng kuwento. Ito yung mga tipo ng kanta na mapapa-LSS ka at paniguradong kakantahin mo sa banyo habang hawak-hawak ang tabo. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit naging matagumpay ang pelikula, bukod doon ay sinabayan pa ito ng mahusay na choreography na pasasabayin ka talaga sa bawat beat nito.
Maliban sa soundtrack, madaling mahalin ang bawat karakter dito sa High School Musical, maging sina Sharpay (Ashley Tisdale) at Ryan Evans (Lucas Grabeel) na nagsisilbing kontra sa bida ay hindi mahirap magustuhan dahil siguro kahit na medyo stereotyped ang mga roles nila ay hindi ito nasobrahan sa pagiging "mean girl" o sa katayuan nila Troy at Gabriella ay hindi masyadong naging "bully" at "geeky" na siyang karaniwang papel ng mga karakter na ginampanan nila.
Isa itong pelikula na ginawa para sa telebisyon at hindi kataka-taka ang tagumpay nito dahil mayroon itong charm na aakit hindi lang sa mga bata kundi maging sa mga teenager.
No comments:
Post a Comment