Search a Movie

Monday, July 6, 2015

Kingsman: The Secret Service (2014)

8 out of 10 stars
★★★★★★★★☆☆

Starring: Taron Egerton, Colin Firth, Samuel L. Jackson
Genre: Action, Adventure, Comedy
Runtime: 129 minutes

Director: Matthew Vaughn
Writer: Jane Goldman, Matthew Vaughn, Mark Millar (comics), Dave Gibbons (comics)
Production: 20th Century Fox, Marv Films, Cloudy Productions, 
TSG Entertainment
Country: UK

Nang mamatay ang ama sa isang secret mission sa Middle East ay nagsimulang mabago ang magandang buhay ng batang si Gary "Eggsy" Unwin (Taron Egerton). Matapos ang labing-pitong taon ay isa na siya ngayong binata na hindi nakapagtapos, walang trabaho at nakatira kasama ang ina sa bahay ng kaniyang mapang-abusong stepfather. Nang minsang mahuli ng pulis at mangailangan ng tulong ay tinawagan ni Eggsy ang isang numero na naka-ukit sa medalyang ibinigay sa kaniya noong bata pa ni Harry Hart (Colin Firth), ang dating kasamahan ng kaniyang ama sa trabaho.

Pagkatanggap ng tawag ay agad tinulungan ni Hart si Eggsy. Sa muling pagkikita ng dalawa ay ipinaalam na ni Hart kay Eggsy ang tungkol sa Kingsman, isang sikretong organisasyon kung saan siya kasalukuyang nagtatrabaho at dati ng kaniyang pumanaw na ama. Sa hindi inaasahang pagkamatay ng isa sa kanilang agent na si Lancelot ay nangangailangan ngayon ang Kingsman ng papalit sa iniwan nitong puwesto. Sa nakitang kakayahan ni Eggsy, sinubukan siyang kumbinsihin ni Hart na mag-apply at kumatawan bilang kandidato niya sa darating na pagpili sa bagong agent na papalit sa puwesto ni Lancelot.

Sa kaniyang pag-apply ay mapapasama si Eggsy sa isang malaking misyon na maaaring ikasira ng buong sanlibutan kapag hindi nila pinigilan ang isang hindi inaasahang kalaban.

Gusto ko ang humor ni 
Matthew Vaughn sa paggawa ng pelikulang ito. Saktong-sakto ang pagpasok ng katatawanan sa mga eksena na hindi mo inaasahan. Ito ang naging kasangkapan niya upang maitago ang pagiging brutal ng ilan sa mga eksena. May mangilan-ngilan na medyo disturbing o babagabag sa iyong kaisipan tulad ng eksena sa isang chapel ngunit bilang isa itong action film ay hindi talaga natin maiiwasan ang pagkakaroon ng mga ganoong eksena.

Aksyon ang pangunahing genre ng pelikulang ito at paniguradong hindi ka madidismaya dahil bawat eksena rito ay bibigyan ka ng iba't-ibang klase ng aksyon. Magaling ang mga bida, hindi ko inaasahan na may ibubuga din pala si Firth sa ganitong klase ng palabas. Aakalain mong sa ganitong kategorya siya magaling kapag napanood mo na ang pagiging secret agent niya. Hindi rin nagpahuli si Egerton, magaling din siya sa labanan minsan mahirap lang sundan ang kaniyang accent pero hanggang doon na lang ang magiging problema mo sa kaniya.

Pasadong-pasado rin ang pagiging kontrabida rito ni Samuel L. Jackson, sa kabila ng pagkakaroon ng magagaling na bida ay iniharap sila sa isang kontrabida na talino lang ang pinanghahawakan. Dahil sa karakter niya na takot sa dugo ay hindi mo dito makikita si Jackson sa maaksyon na labanan bagkus ay ang alalay niyang si Gazelle (Sofia Boutella), isang amputee na may blade na prosthetics legs. Ang karakter ni Boutella ang isa rin sa mga astig na karakter sa buong pelikula, mula sa pagkakaroon ng kakaibang anyo at sa babaeng maabilidad sa labanan, isa siya sa mga karakter na sa kabila ng pagiging kontrabida ay hahangaan mo.

Malakas ang angas ng Kingsman: The Secret Service, may kuwento itong akala mo ay predictable pero gugulatin ka sa biglang pagliko ng istorya. Pamamanghain ka sa mga astig na spy gadgets na hindi talaga mawawala sa mga ganitong palabas, aaliwin ka sa mga maaksyon na labanan at mga nakatutuwang karakter, at sa huli, iiwan kang bitin at nagnanais pa ng sequel.

P.S. Shout-out para sa fireworks display sa climax.

No comments:

Post a Comment