7 out of 10 stars
★★★★★★★☆☆☆
Starring: Hilary Swank, Gerard Butler
Genre: Drama, Romance
Runtime: 126 minutes
Director: Richard LaGravenese
Writer: Richard LaGravenese, Steven Rogers, Cecelia Ahern (novel)
Production: Alcon Entertainment, Grosvenor Park Productions, Wendy
Finerman Productions
Isang kuwentong tatalakay sa mapait na realidad ng buhay, kuwento na makaka-relate ang lahat pagdating sa biglaang paglisan ng minamahal. Ang kaibahan nga lang ay binigyan ito ng kaunting twist upang maging iba sa mga normal na istorya.
Hindi man ganoon karangya ang kanilang buhay bilang mag-asawa ay masaya naman sina Holly (Hilary Swank) at Gerry Kennedy (Gerard Butler) sa piling ng isa't-isa at kahit may mga pagkakataong hindi sila magkasundo sa isang bagay ay agad din naman itong naaayos dahil sa pagbibigayan ng dalawa. Hanggang sa dumating ang araw na bawian ng buhay si Gerry dahil sa brain tumor. Hindi maganda ang pagtanggap ni Holly sa biglaang pagkawala ng asawa kaya unti-unti nitong isinara ang kaniyang mundo sa ibang tao at napalayo sa mga kaibigan at kapamilya.
Sa pagsapit ng kaniyang ika-30th na kaarawan ay isang hindi inaasahang regalo ang dumating para kay Holly. Isa itong cake mula kay Gerry na may kasamang mensahe na nagsasabing kailangang ipagpatuloy ni Holly ang kaniyang buhay kahit na wala na siya at upang magawa niya ito ay gumawa si Gerry ng sampung sulat na darating buwan-buwan at kinakailangang sundin ni Holly ang mga nakasaad dito. Sa tulong ng kaniyang pamilya at kaibigan, hinarap ni Holly ang mundo at muling sinimulan ang buhay sa patnubay ng mga sulat na mula sa kaniyang namayapang asawa.
Isang bagay kung bakit pumatok ito sa aking panlasa ay ang pagiging magaling na aktres ni Swank. Sa buong pelikula, nakumbinsi niya ako na isa siyang biyudang nagluluksa sa pagkawala ng kaniyang minamahal na asawa. At kahit na kaunting eksena lang ang una nating nakita sa pagmamahalan nilang dalawa ni Gerry ay damang-dama mo parin ang sakit at pait na dulot ng biglaang pagkawala ng mahal nito. Mas titindi pa ang pakikiramay mo sa kaniyang karakter sa pagdating ng mga flashback scenes na magpapakita kung gaano kaganda ang chemistry nilang dalawa ni Butler.
Pangalawa ay ang kuwento mismo. Gusto ko iyong ideya na kahit wala na si Gerry sa buhay ni Holly ay nagawa parin nitong gumawa ng mga bagong ala-ala sa pamamagitan ng sulat na ginawa nito at dahil dito, ang isang tragic na kuwento ay naging magical at romantic pero kasabay no'n ay mas lumala ang mararamdaman mong lungkot para kay Holly. May parte rin sa pelikula na maging ikaw na nanonood ay naka-abang na din sa mga sulat na paparating at nai-intriga kung anu-ano ang mga nakasulat dito. Saka mo na lang mapagtatanto na maging ikaw ay sinusubukan na ring mag-move on sa pagkawala ng mapagmahal na si Gerry.
Madali lang sundan ang daloy ng kuwento dahil ang pelikula ay binubuo lang ng mga sulat na mula kay Gerry at ang iba't-ibang yugto ng pagmu-move on ni Holly. Dahil sa pagiging natural nito ay may pagkakataon na nanaisin mo rin na sana ay may mga kaganapan din sa ibang karakter ng pelikula tulad ng kaibigan niyang sina Denise Hennessey (Lisa Kudrow) at Sharon McCarthy (Gina Gershon) at maging ang kapatid nitong si Ciara Reilly (Nellie McKay) upang magkaroon ng ibang sangkap ang pelikula. Mayroon silang sariling kuwento ngunit hindi ito masyadong nabigyan ng atensyon sa pelilula. Kung babasahin mo ang libro kung saan base ang palabas ay marami silang importanteng kaganapan na hindi naisali sa pelikula, may ilang karakter din na nawala at iniba. Nasayangan lang ako dahil ang mga magagandang pangyayari sa libro ay hindi naisama sa big screen.
Sa kabuuan, isa itong pelikula na maaari mong iyakan at sabayan ng tawa. Hindi man ito perpekto basta ang mahalaga ay matutunan natin ang leksyon na sa kabila ng mga mapapait na pangyayari sa ating buhay ay kinakailangan parin natin itong ipagpatuloy at kahit na hindi na natin maaaring makasama ang lumisan na mahal sa buhay sa pagbuo ng ating hinaharap ay mananatili parin naman sila sa ating puso't isipan.
No comments:
Post a Comment