Search a Movie

Monday, May 21, 2018

Babagwa (2013)

Poster courtesy of Cinemalaya
© Cinemalaya
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Alex Medina, Joey Paras
Genre: Drama
Runtime: 1 hour, 41 minutes

Director: Jason Paul Laxamana
Writer: Jason Paul Laxamana
Production: Cinemalaya, Quantum Films, Kalalangan Kamaru
Country: Philippines


Scammer na maituturing ang trabaho nila Greg (Alex Medina) at Marney (Joey Paras) kung saan gumagawa sila ng mga pekeng account sa Facebook upang makapanloko ng mga tao at makahuthot ng pera. Si Greg ang naatasang magpanggap bilang ang mayaman na si Bam na binigyan naman ng representasyon sa pelikula ni Kiko Matos. Siya ang nakikipag-usap sa kanilang mga biktima kung saan paiibigin niya ang mga ito at saka magpapanggap na hihiram ng malaking halaga ng pera.

Ngunit biglang nag-iba ang ihip ng hangin nang makilala ni Greg si Daisy (Alma Concepcion). Sa kanilang pag-uusap ay unti-unting nahulog ang loob ni Greg sa kaniyang biktima. Kaya naman ang dalaga ang naging dahilan kung bakit gusto nang tumigil ni Greg sa pangi-scam. Ang problema nga lang ay hindi sa kaniya na-in love si Daisy kundi sa kaniyang alter ego na si Bam.

Si Paras ang maituturing na nagbigay buhay sa buong pelikula. Mula sa hitsura at paraan ng pag-arte ay kuhang-kuha nito ang isang walang konsensyang manloloko na ang tanging gusto ay ang makakuha ng pera para sa pamilya. At dahil sa natural na pag-arte ni Paras ay napag-iwanan ang bida nitong si Medina. Kaya naman nitong magbigay ng maayos na performance lalo na sa mga eksena kung saan galit ang kaniyang karakter ngunit pagdating sa iyakan ay halos pareho lang sila ni Matos na hirap sa pagluha. Hagulhol lang ang maririnig at hindi mo dama ang kanilang dinaramdam. Ganoon din si Concepcion, hindi niya kaya ang heavy scenes ngunit ang nagustuhan ko sa kaniya ay nakaya niyang ibigay ang pino-portray ng kaniyang role na isang elegante at sosyal na matrona. Na pati pagmumura nito ay tunog sosyal.

Hindi kagandahan ang cinematography ng Babagwa dahil na rin sa pagiging low-budgeted nito ngunit interesante ang istorya ng palabas. Medyo naging predictable na para sa akin ang ending nito ngunit gayunpaman ay very satisfying at sa parehong pagkakataon ay nakakaawa ang kinahinatnan ng bida. Magandang ideya ang pagbibigay nila ng representation sa alter ego ng bida ngunit dahil rin doon ay naging expected na ang twist nito.


No comments:

Post a Comment