Search a Movie

Wednesday, May 16, 2018

Call Me by Your Name (2017)

Poster courtesy of IMP Awards
© Frenesy Film Company
9 stars of 10
★★★★★★★★★ ☆

Starring: Timothée Chalamet, Armie Hammer
Genre: Drama, Romance
Runtime: 2 hours, 12 minutes

Director: Luca Guadagnino
Writer: James Ivory, André Aciman (novel)
Production: Frenesy Film Company, La Cinéfacture, RT Features Water's End Productions, M.Y.R.A. Entertainment, Lombardia Film Commission, Memento Films International
Country: Italy, France, Brazil, USA


Summer ng taong 1983 dumating sa tirahan ng mga Perlman ang dalawampu at apat na taong gulang na si Oliver (Armie Hammer) upang magsilbing research student assistant ni Mr. Perlman (Michael Stuhlbarg). Sa tahanang ito nito makikilala ang anak na binata ni Mr. Perlman na si Elio (Timothée Chalamet), labing-pitong taong gulang.

Sa ilang buwan na pagtira ni Oliver sa tahanan nila Elio ay makakabuo ng pagkakaibigan ang dalawang binata. At sa pagkakaibigan na ito makukumpirma ni Elio ang tunay nitong seksuwalidad nang mahulog ang loob niya kay Oliver. Sa mga nalalabing araw ni Oliver kasama si Elio ay magkakaroon sila ng panandaliang relasyon na agad ring mapuputol dahil sa pag-alis nito.

Ang Call Me By Your Name ay isang kuwento ng pag-iibigan sa pagitan ng dalawang binatang magkalayo ang agwat ng edad. Walang bago o anumang kakaiba sa naging love story nila Oliver at Elio ngunit tatagos ito sa puso ng bawat manonood dahil sa pagiging simple nito ngunit puno ng pag-ibig at sinseridad. Mag-iiwan ito ng marka sa mga manonood dahil sa sakit sa dibdib na maidudulot nito, ang sakit ng unang pagkawasak ng puso dahil sa pag-ibig. 

Hindi mo hahangaan ang magandang istorya nito kung hindi dahil sa magaling na pagsasabuhay ng dalawang bida nito. Rebelasyon si Chalamet sa pelikula lalo na sa pinakahuling parte ng pelikula. Naibigay nito ang kinakailangan ng karakter, bilang isang binatilyong umibig at nasaktan. Dadamayan mo siya sa kaniyang unang heartbreak at katulad niya ay masasaktan ka rin sa kaniyang sinapit. Maayos din ang ipinakita ni Hammer bilang isang guwapo, matalino at maasahang binata - isang perpektong leading man na iibigin ng lahat. Maganda ang naging chemistry ng dalawa na kahit na maging mga heterosexuals ay siguradong kikiligin.

Ito ang pelikulang iiwan kang mabigat ang dibdib ngunit okay lang dahil natunghayan mo ang isang maganda ngunit masakit ng kuwento ng pag-ibig. Lalo mo pang madarama ang bawat kirot dahil sa mga napakaganda nitong kanta na tuwing maririnig mo ay paniguradong ibabalik nito ang alaala ng pagmamahalan na minsang nabuo nila Elio at Oliver.


No comments:

Post a Comment