★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: Vice Ganda
Genre: Comedy, Drama
Runtime: 2 hours, 3 minutes
Director: Jun Lana
Writer: Daisy Cayanan, Jumbo Albano, Jun Lana
Production: ABS-CBN Studios, The IdeaFirst Company
Country: Philippines
Ilang taong nagpakahirap sa Taiwan bilang OFW si Bambi Salvador (Vice Ganda) para mabigyan ng maayos na buhay ang pamilya niya sa Pinas at para maipayos ang kanilang bahay. Ngunit pagkauwi ni Bambi sa kanilang lugar, sa halip na maayos na buhay ay patong-patong na problema pala ang kaniyang kahaharapin na siyang pagmumulan ng gulo sa kanilang dating tahimik na pamilya.
Sa panahon ngayon kung saan mas mulat na tayo sa sensitivities at social issues, hindi na talaga nakakatuwa ang body shaming na humor. Sa kasamaang-palad, dito pa rin humugot ang pelikula para makapagbigay ng tuwa sa mga manonood. Overused na ang mga ganoong klaseng biro at sa halip na makapagpatawa, nagmukha na lang itong lipas at corny.
Natuwa ako sa pakulo ng palabas na bigyan ng reference ang mga old character ni Vice na parang pa-konsuwelo na rin sa mga loyal niyang tagahanga. Narito pa rin ang mga elemento ng typical Vice Ganda films: funny at cringey. Maraming mga eksenang parang walang saysay pero may pahapiyaw naman itong aliw, bagamat ngayon ay mas na-tone down na ang mga ito.
Isa sa mga pinaka-naging problema ng pelikula ay ang hindi malinaw nitong direksyon. Hindi mo alam kung gusto ba talaga nitong mag-full-blown drama o ayaw lang nitong bitiwan ang comedy na trademark ng lead star. Masyadong naglaan ng oras ang pelikula sa mga mahahabang punchlines at joke sequences kaya napag-iwanan ang dramatic feels nito. Ang resulta: kalat tuloy ang storyline at hindi well-established ang mga karakter. Pagdating sa kalagitnaan, bumagal ang pacing nito at parang hindi na umuusad ang kuwento. Ang daming cliche subplots na pinilit pagtagni-tagniin para lang bigyan ng kaunting background ang bawat karakter. Parang nandiyan lang sila para magdala ng conflict pero bigla na lang din nila itong kinalumtan sa dulo ng palabas.
Na-redeem lang ng pelikula ang sarili nito sa last 30 minutes ng palabas. Pagdating sa confrontation scene ng buong pamilya hanggang sa twist ay lumabas ang tunay na galing ng buong cast. 'Yun talaga ang hinihintay kong parte. Sa eksenang 'yon ko nadama ang hugot ng bawat karakter. Bagamat kilala si Vice sa husay niya sa pagpapatawa, halatang hirap pa rin siya sa mga eksenang nangangailangan ng lalim at emosyon. May mga moment na parang conscious siya sa ginagawa niyang pag-arte. Ganoon pa man, kudos sa kaniya dahil sinubukan pa rin niyang pasukin ang larangan ng pagda-drama. Kita naman ang naging efforts niya sa palabas dahil sa ending nito ay nadama ko ang kirot na pinagdadaanan ng kaniyang karakter.
Sa kabuuan, maraming gustong iparating na aral ang istorya ng And the Breadwinner Is... Marami ang makaka-relate sa pinagdaanan ng bida, marami ang makakauha ng inspirasyon mula sa kuwento nito. Pero para sa akin, ang pelikula ay tila naligaw sa pagitan ng comedy at drama at hindi nila gaanong napanindigan ang gusto nilang ipalabas. Maraming conflict na hindi naayos katulad ng biglaang pag-iwan ni Baby (Eugene Domingo) sa pamilya niya pati na rin ang tungkol sa scam na ginawa ng magkakapatid. Para bang pagkatapos nilang maibigay ang mga mabibigat na eksena ay bigla na lang nila itong iniwan nang wala man lang resolusyon.
© ABS-CBN Studios, The IdeaFirst Company
No comments:
Post a Comment