★★★★★★★★★ ☆
Starring: Taraji P. Henson, Sherri Shepherd
Genre: Drama, Thriller
Runtime: 1 hour, 45 minutes
Director: Tyler Perry
Writer: Tyler Perry
Production: Tyler Perry Studios
Country: USA
Si Janiyah Wiltkinson (Taraji P. Henson) ay isang single mother na ginagawa ang lahat ng kaniyang makakaya para lang maitaguyod ang kaniyang anak. Dahil sa tindi ng pressure mula sa trabaho, kakulangan sa pera at pag-aalaga sa anak niyang may sakit, isang pangyayari ang magtutulak sa kaniya para gawin ang isang desisyon na babago sa takbo ng kaniyang buhay.
Ang Straw ay isang pelikula na magpapaalala sa 'tin kung gaano kabigat ang dinaranas ng mga taong walang kakampi sa buhay. Sa unang ilang minuto pa lang ng palabas ay ipinamalas na agad ni Henson ang husay niya sa pag-arte. Siya ang pangunahing dahilan kung bakit mahu-hook ka agad sa pinagdadaanan ng karakter niya.
Hindi na nagpaikot-ikot pa ang pelikula. Dumeretso na agad sila sa kuwento at mula no'n, tuloy-tuloy na ang tension at thrill sa bawat mga tagpo. Lahat ng eksena ay may bigat, may saysay at walang patapon. Talagang mapapatutok ka sa mga pangyayari.
Ang kagandahan ng Straw ay hindi lang ito basta thrill ride. Isa rin itong social commentary na sinasalamin ang buhay ng mga taong walang boses at kung gaano kabilis magkaroon ng prejudice ang lipunan sa mga taong mahihirap. Isa sa mga pinaka-makabuluhang tema ng pelikula ay ang kawalan ng masasandalan. Ipinapakita nito ang hirap kapag walang matakbuhan, walang masandalan at walang naniniwala sa isang tao. Pero sa kabila nito, pinatunayan naman ng palabas na isang tao lang ang kailangan natin, isang tao na maniniwala sa 'ting kakayahan at kabutihan ng puso, para maipaglaban natin ang katotohanan.
Punong-puno ng aral ang pelikulang ito. Gaya ng sinabi ng isa sa mga karakter, “mahal ang maging mahirap,” at totoo 'yon. Ganoon pa man, wala tayong ibang magagawa kundi ang magpatuloy sa buhay at ilaban kung ano ang tama para sa mga taong minamahal natin.
© Tyler Perry Studios
No comments:
Post a Comment