Search a Movie

Friday, October 2, 2015

Minions (2015)

6 out of 10 stars
★★★★★★☆☆☆☆

Starring: Pierre Coffin, Sandra Bullock, Jon Hamm
Genre: Animation, Comedy, Family
Runtime: 91 minutes

Director: Kyle Balda, Pierre Coffin
Writer: Brian Lynch
Production: Illumination Entertainment
Country: USA

Una silang nakilala bilang makukulit na alalay ni Gru, ngayon ay sila na mismo ang bida sa Minions, ang prequel ng sikat na Despicable Me kung saan tatalakayin nito ang naging buhay ng mga minions bago sila napunta sa pangangalaga ni Gru.

Isang solong pelikula para sa mga minions ang matagal nang pinapangarap ng mga fans. Maging ako ay naisip ko na rin na magiging riot kung nagkataong magkaroon ng sariling palabas ang mga maliliit na kulay dilaw na nilalang na ito, at nagkatotoo nga. Mataas ang naging ekspektasyon ko sa pelikulang ito dahila una: minions ang nagdala sa Despicable Me 2 at pangalawa: minions sila, aasa ka talaga na purong katatawanan ang dulot nila dahil napatunayan na nila ito sa unang dalawang pelikula.

Iyon ang inakala ko dahil nang magsimula na ako sa panonood ng Minions, nahirapan akong makuha ang humor nito dahil ang ilang pagpapatawa rito ay nakita ko na, kumbaga nagamit na ng iba kaya hindi ko na masabayan ng tawa. Doon pa lang ay napagtanto ko na hindi pala ganoon kasaya kapag minions lang ang nasa screen, may kulang, yung tipong habang nasa kalagitnaan ka ng panonood ay gusto mo nang makita sina Gru (kahit na may cameo role naman siya dito), sina Agnes at ilang pang karakter sa Despicable Me. 

Ang kuwento ng pelikula ay tungkol sa paghahanap ng mga minions ng kanilang amo, amo na kontrabida, amo na masama ngunit dahil sa kanilang mga kapalpakan ay walang tumatagal na amo sa kanila at tuwing wala silang amo ay nawawalan ng saysay ang kanilang buhay. Dito naisip ni Kevin na bumuo ng grupo na maghahanap ng panibago nilang susundin na amo. Kasama si Bob at Stuart ay nagtungo ang tatlo sa New York kung saan nabalitaan nila ang tungkol sa "Villain-Con" ang taunang pagsasama-sama ng mga masasamang tao sa buong mundo. Doon nila makikilala ang sikat na babaeng supervillain na si Scarlet Overkill (Sandra Bullock) kung saan magsisilbi silang alipores nito sa pagnanakaw ng St. Edward's Crown ni Queen Elizabeth II ng Inglatera.

Hindi inabot ng Minions ang naging ekspektasyon ko sa pelikulang ito. Medyo nakakadismaya na hindi ko ito na-enjoy ng husto. Predictable ang naging takbo ng istorya at may ilang eksenang na-wirduhan ako sa tatlong bida, may ilang pagkakataon na awkward sila sa pakiramdam at sa unang pagkakataon ay nawala ang pagkagusto ko sa kanila 'di tulad noon sa Despicable Me kung saan kahit support at extra lang sila ay malaki ang naiambag nila sa pelikula. 

Kung pamilyar kayo kay Mr. Bean, ganoon ang itinakbo ng Minions, sa kabila ng pagiging palpak nila sa halos lahat ng kanilang ginagawa ay maganda parin ang kinalalabasan nito dahil sa mga swerteng pagkakataon. Iyon siguro ang dahilan kung bakit hindi ako gaanong nasiyahan sa buong pelikula dahil mahilig din ako dati sa panonood kay Mr. Bean at ngayong matanda na ako ay hindi na ito kinagat ng aking panlasa.


No comments:

Post a Comment