Search a Movie

Monday, October 19, 2015

Chef (2014)

7 out of 10 stars
★★★★★★★☆☆☆

Starring: Jon Favreau, John Leguizamo, Emjay Anthony, Sofía Vergara
Genre: Adventure, Comedy, Drama
Runtime: 114 minutes

Director: Jon Favreau
Writer: Jon Favreau
Production: Aldamisa Entertainment, Kilburn Media
Country: USA

Head chef sa isang popular na restaurant, si Carl Casper (Jon Favreau) ay naghahanda para sa pagdating ng isang food critic at sikat na blogger na si Ramsey Michel (Oliver Platt) sa kanilang restaurant. Sa kabila ng pagkakaroon ng mga bagong putahe sa kanilang menu na para kay Ramsey ay iniutos ng restaurant owner na si Riva (Dustin Hoffman) na manatili na lang sila sa dati nilang menu kung saan sumikat ang kanilang kainan. Dahil sa desisyong ito ni Riva ay nauwi sa hindi kanais-nais na review ang nakuha ni Carl mula sa manunulat na si Ramsey.

Sa galit ay aksidenteng hinamon ni Carl si Ramsey sa Twitter na muling bumalik sa kanilang restaurant upang tikman ang bagong putahe na kaniyang inahanda. Sa kasamaang-palad ay hindi ulit pumayag si Riva sa bagong menu ni Carl na siyang naging sanhi ng kaniyang pagbibitiw sa trabaho.

Sirang-sira na ang pangalan at wala pang trabaho, kailangan ngayong ibalik ni Carl ang dating sigla ng kaniyang buhay sa kusina. Sa tulong ng kaniyang mga kaibigan at pamilya, inayos ni Carl ang kaniyang pangalan sa pamamagitan ng pagtayo ng sariling pagkakakitaan na mauuwi sa hindi inaasahang tagumpay.

Malakas makapagbigay ng inspirasyon, kung iyon man ang nais iparating ni Favreau para sa pelikulang ito ay nagtagumpay siya. Maganda itong panoorin ng mga taong nangangailangan ng lakas ng loob. Bukod sa pagbibigay inspirasyon ay may saya rin itong dulot. Hindi man ganoon kahusay ang kuwento ay simple ito at sapat na upang i-enjoy ng isang taong naghahanap ng magandang entertainment.

Medyo lumaylay lang ang kuwento pagdating sa second half ng pelikula dahil nawalan na ito ng conflict, iyon ang hinanap ko habang naglilibang sa nakakatuwang adventures ng mag-amang Casper at ng kaibigan nito ngunit walang dumating hanggang sa natapos na ang pelikula. Gayunpaman, magaling at nakakatuwa ang buong cast lalo na kay Sofía Vergara na kahit hindi man ganoon kadami ang exposure ay bigay todo naman sa pagpapatawa sa bawat eksena.

Isang napakasarap na pelikula na gugutumin ka dahil sa mga pagkaing mapapanood at pasisiglahin ang araw mo dahil sa good vibes na dulot. Inirerekomenda ko ang pelikulang ito sa mga mahilig sa pagkain at mahilig magluto dahil tiyak na malilibang kayo sa panonood nito lalo na sa mga eksena sa kusina.

No comments:

Post a Comment