Search a Movie

Saturday, October 24, 2015

A Clockwork Orange (1971)

8 out of 10 stars
★★★★★★★★☆☆

Starring: Malcolm McDowell, Patrick Magee, Michael Bates
Genre: Crime, Drama, Sci-Fi
Runtime: 136 minutes

Director: Stanley Kubrick
Writer: Stanley Kubrick, Anthony Burgess (novel)
Production: Warner Bros., Hawk Films Limited
Country: UK, USA

Bayolente at imoral, ito ang pelikula kung saan ang bida ay pareho mong kamumuhian at kaaawaan. Si Alex DeLarge (Malcolm McDowell) ay isang binatang nasanay na sa karahasan. Kasama ang kaniyang grupo na tinatawag niyang droogs ay umiikot ang kanilang buhay sa mga krimen tulad ng pambubugbog ng mga inosenteng tao, pamamasok ng bahay, pagnanakaw at panggagahasa. Sa kabila ng pagkakaroon ng karisma ay hindi naging maganda ang pakikitungo ni Alex sa kaniyang mga kasamahan kaya naman ito ang naging dahilan ng kaniyang pagkakulong matapos siyang iset-up ng kaniyang tropa sa isang krimen. 

Sa kulungan, para lang makalabas ay magboboluntaryo si Alex sa isang eksperimento kung saan sasabak siya sa isang aversion therapy na naglalayong tanggalin ang violent side ng kaniyang pagkatao. Ito ay ang magsisilbing sagot sa problema sa krimen ng kasalukuyang lipunan. Nagtagumpay man ang eksperimento ay hindi aayon ang lahat sa inaasahan nilang plano.

Naiintindihan ko kung bakit naging kontrobersyal ang pelikulang ito, maraming mararahas na eksenang maaaring hindi kayanin ng manonood dahil sa masyado itong bayolente ngunit kung ako ang tatanungin ay may mga pelikulang mas bayolente at mas brutal pa kumpara sa A Clockwork Orange tulad ng A Serbian Film (2010) at I Spit on Your Grave (2010). Kung isasantabi mo ang hindi kagandahang parteng ito ng pelikula ay maganda ang kuwento nito na nagpapatunay na ang pagiging bayolente ay parte na talaga ng sistema ng tao.

Pasok na pasok si McDowell sa role niya bilang isang bida at kontrabida sa palabas. Nadala niya ito ng maayos at mahusay. Katulad nga ng sinabi ko, sa buong palabas ay paiba-iba ang mararamdaman mo sa karakter niya. Kamumuhian mo siya sa simula at maya't-maya ay makakaramdam ka naman ng awa sa mga kaganapan sa buhay niya hanggang sa hindi mo na malaman kung ano ba ang katanggap-tanggap na reaksyon para sa pelikula. Kakampihan mo ba ang bida o hindi? Ito ang dahilan kung bakit maganda ang palabas na ito, kukuwestyunin nito ang opinyon mo ukol sa paksa, kung alin ang alam mong tama at mali.

Ang musical scoring ang isa pa sa nagpa-angat sa pelikula na gumamit ng mga klasiko. Ito ang nagdadagdag sa mood ng bawat eksena. Dahil sa soundtrack ay minsan nagiging less brutal sa pakiramdam ang mga eksenang pinapanood mo ngunit minsan ay nagiging creepy din ito dahil sa kanta. Interesante rin ang konspeto ni Kubrick sa hinaharap, visually ay unique ang kaniyang gawa at nakadagdag ito sa pagiging hindi pangkaraniwan na vibe ng kaniyang pelikukla.

Kung naghahanap kayo ng mga classic films na may katuturan ay maaari niyong subukan ang A Clockwork Orange, babala lang dahil hindi ganoon kanais-nais ang nilalaman nito ngunit kung iyong bubuksan ang isip ay maaari kang malibang sa panonood nito.

No comments:

Post a Comment