Genre: Action, Adventure, Sci-Fi
Runtime: 106 minutes
Director: Tim Story
Writer: Michael France, Mark Frost, Jack Kirby (comics), Stan Lee (comics)
Production: 20th Century Fox, Constantin Film, Marvel Enterprises, 1492 Pictures
Country: USA, Germany
Isang cosmic energy clouds sa kalawakan ang nagbabadyang dumaan malapit sa Earth, ang ulap na ito ay ang pinaniniwalaan ni Dr. Reed Richards (Ioan Gruffudd) na siyang nagpasimula ng evolution kaya naman kasama ang kaibigang astronaut na si Ben Grimm (Michael Chiklis) ay sinubukan nilang kausapin si Dr. Victor Von Doom, ang CEO ng Von Doom Industries na gamitin ang kaniyang private space station upang pag-aralan ang paparating na cosmic energy. Pumayag naman si Dr. Doom sa isang kondisyon at ito ay siya ang magkakaroon ng kontrol sa magaganap na eksperimento at sa kaniya mapupunta ang majority ng kita sa kung anumang makukuha ng kanilang gagawin.
Kasama ang chief genetics researcher ng Von Doom Industries at ex-girlfriend ni Reed na si Susan Storm (Jessica Alba) pati ang kapatid nitong dating astronaut na si Johnny (Chris Evans), ay nagtungo sa outer space sina Reed, Ben at Dr. Doom upang pag-aralan ang cosmic energy clouds ngunit hindi nila inaasahan ang maagang pagdating nito sa kanilang station kaya nauwi sa exposure ang buong grupo.
Ilang araw ang lumipas matapos silang makabalik sa Earth ay nagsimulang mapansin ng grupo ang kakaibang pagbabago sa kanilang katawan. Si Reed ay nagkaroon ng kakayahang pahabain ang kaniyang katawan na parang goma, si Susan naman ay kayang maging invisible, samantala kaya namang magpalabas ng apoy ni Johnny sa kaniyang katawan at si Ben na siyang pinaka na-exposed mula sa cosmic energy cloud ay naging bato ang katawan at nagkaroon ng kakaibang lakas. Sa kabilang banda, ang katawan naman ni Dr. Doom ay unti-unting nagpapalit sa metal na kayang kumontrol sa kuryente.
Limang normal na tao ang nabigyan ng superpowers, ang isa sa kanila ay umayon sa kasamaan at ito ang kailangang pigilan ng natitirang apat upang maiwasan ang kaguluhan. Ito ang bumubuo sa pelikula kung ibubuod natin ito sa isang pangungusap lang. Simple at wala nang halong ibang sangkap na kung ikukumpara natin sa ibang superhero films ngayon ay ni hindi man lang aabot sa kalingkingan ng mga tulad ng Guardians of the Galaxy at Avengers kaya masaya akong gagawan nila ito ng reboot.
Para akong nanonood ng role playing at hindi ka mapapaniwalang superheros ang mga taong pinapanood mo dahil siguro sa boring na suot? Wala kasing masyadong dating ang mga bida maliban kay Chris Evans na nagawang maging cool at pasaway na Human Torch. Hindi ako impressed kay Gruffudd, para lang siyang normal na tao na kayang mag-stretch ng katawan, ganoon din kay Alba, walang kagila-gilalas sa kanilang mga kapangyarihan. Kay Chilkins naman, hindi mo maiiwasang ikumpara ang karakter niya kay Hulk at kapag pinagharap mo silang dalawa ay siguradong magmumukhang hallow blocks lang si The Thing.
Pasado na para sa aking ang effects kung iko-consider natin ang taon kung kailan ito ginawa ngunit kulang ang effort ni Tim Story na gawin itong maangas na superhero movie, iyong tipong sila ang gusto mong gayahin kapag binigyan ka ng superpowers. Sigurado akong kapag natipun-tipon lahat ng Marvel characters ay hindi man lang sila aangat sa iba.
No comments:
Post a Comment