Search a Movie

Friday, June 26, 2015

The Graduate (1967)

8 out of 10 stars
★★★★★★★★☆☆

Starring: Dustin Hoffman, Anne Bancroft, Katharine Ross
Genre: Comedy, Drama, Romance
Runtime: 106 minutes

Director: Mike Nichols
Writer: Calder Willingham, Buck Henry, Charles Webb (novel)
Production: Lawrence Turman Production
Country: USA

Nang makapagtapos sa kolehiyo ay umuwi si Benjamin Braddock (Dustin Hoffman) sa kanilang tahanan para sa isang selebrasyon na inihanda ng kaniyang mga magulang. Dahil asiwa sa mga taong nagtatanong ng kaniyang plano sa buhay, napilitan itong ihatid pauwi si Mrs. Robinson (Anne Bancroft), ang kaibigan ng kaniyang magulang, sa kanilang bahay.

Lingid sa kaalaman ni Benjamin ay may iba palang plano si Mrs. Robinson kung bakit ito nagpahatid sa binata. Inaya ni Mrs. Robinson sa kanilang bahay si Benjamin at nang makapasok na ito ay nagsimula siyang akitin ni Mrs. Robinson. Nakaiwas si Benjamin sa tukso ngunit lumipas ang ilang araw ay muli siyang nakipagkita kay Mrs. Robinson at doon na nagsimula ang kanilang seksuwal na relasyon.

Sa kabilang banda, habang walang kaalam-alam sa nangyayari sa kanilang anak ay pinilit ng mga magulang ni Benjamin na makipagtagpo ito kay Elaine Robinson (Katharine Ross), ang anak ni Mrs. Robinson. Bago ito ay sinabihan na ni Mrs. Robinson si Benjamin na iwasan ang kaniyang anak. Noong una ay hindi naging maganda ang pakikitungo ni Benjamin kay Elaine ngunit sa huli ay nagkamabutihan din ang dalawa. Nang malaman ito ni Mrs. Robinson ay gagawin niya ang lahat mapaghiwalay lamang ang dalawa.

Isang kuwento ng pakiki-apid ngunit ang seryosong paksa na ito ay nagawa ni Mike Nichols na magaan at nakakatawa sa pamamagitan ng isang inosenteng bida. Ang nagustuhan ko dito sa pelikulang ito ay hindi nila kinakailangan maging exaggerated o gumamit ng slapstick humor upang magpatawa (maliban siguro sa ending). Ang mga pangyayari at mga galaw ng bawat karakter ay sapat na upang magbigay ngiti sa mga manonood. 

Disente ang mga bida, normal at hindi ginawang bobo na siya ngayong trend sa mga comedy films sa kasalukuyan. Sa kabila ng pagiging comedy, hindi puro katatawanan ang mapapanood dito dahil mayroon din itong halong drama at romance, at ang bawat karakter dito sa pelikula ang nagbibigay balanse sa mga kategoryang ito: Si Benjamin para sa comedy, si Mrs. Robinson naman sa drama at romance para kay Katherine. 

Isa pa sa nagustuhan ko sa pelikula ay ang musical scoring nito at kahit paulit-ulit ang mga kantang ginamit ay hindi mo ikaka-ilang dahil masarap ito sa pandinig. Ang nakasira lang siguro dito ay ang hindi pagiging consistent ni Nichols hanggang sa dulo. Pagkatapos kasi ng revelation part ay nanatili na sila sa pagpapatawa hanggang sa umabot pa sa puntong naging exaggerated na ng kaunti ang mga pangyayari at nauwi ang lahat sa isang cheesy na ending.

No comments:

Post a Comment