Genre: Action, Crime, Drama, Romance
Runtime: 110 minutes
Director: Maciej Ślesicki
Writer: Maciej Ślesicki
Production: Hertiage Films
Country: Poland
Matapos matanggal sa trabaho at iwan ng asawa ay naging patapon na ang buhay ni Leon (Bogusław Linda). Dahil sa dati niyang trabaho, sinubukan siyang i-hire bilang bodyguard ng isang mafia leader upang bantayan ang anak nitong babae na labing-anim na taong gulang, si Sara (Agnieszka Włodarczyk).
Noong una ay hindi gusto ni Sara ang pagkakaroon ng bodyguard kaya nag-rebelde ito at hindi sumunod sa mga utos ng ama ngunit nang minsang iligtas siya ni Leon mula sa isang tangkang pagpatay ay nagsimulang mabago ang ugali nito sa lalaki lalo na't nalaman niyang handang sumalo ng bala si Leon para lang sa kaniyang kaligtasan. Nagsimulang maghulog ang loob ni Sara kay Leon sa kabila ng malaking agwat ng kanilang edad.
Hindi pinansin ni Leon ang pagtingin na ito sa kaniya ni Sara ngunit sa pagtagal ng kanilang pagsasama ay unti-unting nahulog sa tukso si Leon. Nagkaroon ng relasyon ang dalawa hanggang sa malaman ito ng ama ni Sara at dito na magsisimula ang tunay na gulo.
Hindi ako mahilig sa mga pelikulang may May-December love affair ngunit masasabi kong may chemistry sa pagitan nila Linda at Włodarczyk kahit na malayung-malayo ang kanilang edad. Sa katunayan ay hindi ko naramdaman ang pagkakaiba ng kanilang edad. Hindi mo pagdududahan ang kanilang pag-iibigan dahil kitang-kita mo on-screen na mahal na mahal ng mga karakter nila ang isa't-isa.
Mahirap din ang hindi mahumaling kay Włodarczyk, maganda siya at malakas ang appeal kaya maging ang manonood ay sigurado akong mahuhulog ang loob sa kaniya katulad ni Leon.
Pagdating sa mga action sequence, bilang isang mob film, ay marami ito nito. Yun nga lang, mala-Pinoy ang atake ng mga fight scenes, may slow motion effects ang mga barilan na wala namang masama kung pinapanood mo ito noong 1997 ngunit maaaring maging corny kapag pinanood mo ito sa kasalukuyan. Bilang ang pelikulang ito ay mula sa 90's, katanggap-tanggap naman ang paraan ng pag-direk ni Ślesicki na mas sumentro sa love story ng dalawang bida, may aksyon, kaunting thrill at sinamahan din ng humor. Katulad ng mga Pinoy action films noong dekada nobenta, magbibigay din ito ng masayang pakiramdam lalo na kapag naging happily ever after ang dalawang bida.
No comments:
Post a Comment