6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: Annabelle Wallis, Ward Horton
Genre: Horror
Runtime: 1 hour, 39 minutes
Director: John R. Leonetti
Writer: Gary Dauberman
Production: New Line Cinema, Evergreen Media Group, RatPac-Dune Entertainment, The Safran Company
Country: USA
Maayos na bahay at isang sanggol na paparating, maganda na sana ang simple ngunit masayang buhay mag-asawa nila Mia (Annabelle Wallis) at John Form (Ward Horton) kung hindi lang dahil sa isang insidenteng nangyari sa kanilang kalapit na bahay. Isang pagpaslang ang naganap sa tahanan ng kanilang kapitbahay kung saan ang anak nilang matagal nang naglayas ay nagbalik kasama ang kaniyang kasintahan upang patayin ang kaniyang magulang para patunayan ang kanilang katapatan sa kultong kanilang sinalihan.
Hindi doon nagtapos ang lahat dahil sunod na pinasok ng magkasintahan ang bahay nila Mia. Nakaligtas naman ang mag-asawa ngunit ang hindi nila alam, isang lagusan ang nabuksan nang magpakamatay ang babae sa mismong kuwarto ng anak nila Mia hawak-hawak ang manikang tinawag na Annabelle.
'Di kalaunan ay nakaramdam ng ilang kababalaghan sa kanilang bahay si Mia. Dahil sa mga kaganapang ito ay lumipat sila ng tirahan. Ilang buwan ang lumipas, nagsilang ng isang malusog na sanggol si Mia. Ito ang naging hudyat ng demonyong naninirahan kay Annabelle upang muling magparamdam. Kinakailangan nitong makuha ang kaluluwa ng sanggol para ito ay tuluyan nang makatuntong sa mundo ng mga mortal.
Insidious at The Conjuring ang ginamit dito upang i-hype ang pelikula. Ito ang prequel ng The Conjuring, isang horror film na masasabi kong naging successful talaga. Ngunit kung ikukumpara ito sa naunang dalawang palabas, nakakadismaya ang Annabelle. Wala ito sa kalingkingan ng dalawa pagdating sa istorya at sa pananakot.
Sa kuwento, isang demonyo na gustong angkinin ang isang sanggol, maganda sana ang kinalabasan nito kung ginawa nilang palaban ang bida, iyong tipong pagdating sa anak ay ipaglalaban niya ito kahit anong mangyari, yung makikita mo pagdating sa climax ang pagiging agresibo ng ina kapag kapakanan na ng anak ang nakasalalay. Dito sa Annabelle, mahina ang mga karakter lalo na ang sinusubaybayan nating bida. Kulang na kulang ang development at pagdating sa kalagitnaan ay nakakawalang-gana nang panoorin.
Pagdating naman sa katatakutan, the usual formula ang ginamit dito. May ilang jump scares na bago at nakakagulat para sa akin ngunit nabibilang lang ito sa isang kamay. Maliban sa nakakatakot na hitsura ng manikang si Annabelle, wala din itong naitulong sa pananakot. Isang manikang gumagalaw at nakangisi, iyon lang at wala nang iba.
Kahit sa pag-arte na lang sana bumawi itong pelikula ngunit pati ang mga artistang gumanap ay kasing hina ng mga karakter nila. May mga parteng nasisira dahil hindi magaling ang portrayal ng eksena. Ang ikinaganda lang siguro ng pelikulang ito ay ang ilang tensions na sinamahan ng sound effects na siyang manggugulat sa'yo.
© New Line Cinema, Evergreen Media Group, RatPac-Dune Entertainment, The Safran
No comments:
Post a Comment