Search a Movie

Friday, June 12, 2015

The Hunger Games: Mockingjay - Part 1 (2014)

6 out of 10 stars
★★★★★★☆☆☆☆

Starring: Jennifer Lawrence, Josh Hutcherson, Liam Hemsworth
Genre: Adventure, Sci-Fi
Runtime: 123 minutes

Director: Francis Lawrence
Writer: Danny Strong, Peter Craig, Suzanne Collins (novel)
Production: Color Force, Lionsgate
Country: USA

Matapos sirain ng tuluyan ang larong Hunger Games ay nagtatago ngayon si Katniss Everdeen (Jennifer Lawrence) kasama ang ilan pang Victors na tulad niyang nailigtas sa District 13, ang distritong inakala ng lahat ng wala nang naninirahan ngunit lugar pala ito ng mga rebelde. Doon ay muli niyang nakasama ang kaniyang ina at kapatid na si Primrose (Willow Shields). 

Nakilala din niya dito si President Alma Coin (Julianne Moore), ang lider ng mga rebelde. Nais ni President Coin na si Katniss ang kumatawan bilang "Mockingjay" na simbolo ng himagsikan, ito ay dahil sa ginawa niyang pagsira sa laro na siyang pinagsimulan ng mga welga at riot sa iba't-ibang distrito laban sa Capitol.

Dahil galit parin sa pag-iwan nila kay Peeta Mellark (Josh Hutcherson) sa Capitol ay hindi pumayag si Katniss sa gustong mangyari ni President Coin ngunit agad ding nagbago ang kaniyang isip nang makitang ginagamit ng Capitol si Peeta upang labanan ang kanilang paghihimagsik. Kapalit ng kaniyang pagpayag bilang maging Mockingjay ay kinakailangan nilang iligtas si Peeta at ilan pa nilang kasamahan sa Capitol bago mahuli ang lahat.

Ipinagpatuloy dito sa pelikula ang iniwang ending ng Catching Fire (2013), na maganda kung nabitin ka sa nauna. Ngunit maliban sa mga bagong characters ay wala nang gaanong kaganapan dito sa Mockingjay Part 1 na nagustuhan ko dahil hanggang sa kuwento lang naman kung papaano nila iniligtas si Peeta iikot ang pelikula na pinahaba upang magtagal ng dalawang oras at maging ganap na pelikula. 

Sa tingin ko ay gusto lang talaga nilang gatasan ang kasikatan ng trilogy na ito kaya naisipan din nilang hatiin ang pinakahuling libro. Nakakadismaya dahil ang pagpapakilala sa District 13 lang ang inihanda rito para sa atin. Tuluyan nang nawala ang laro na siyang nagustuhan ko sa unang dalawang pelikula at ang tinatahak na ngayong direksyon ng kuwento ay ang giyerang magaganap sa pagitan ng Capitol at ng mga rebelde na maganda kung itinuloy-tuloy na lang sana nila hanggang sa katapusan at hindi na hinati pa sa dalawang parte.

Sa tatlong pelikula na nagawa na, itong unang parte ng Mockingjay ang pinakamahina pagdating sa kuwento dahil wala ka namang mapapala rito kundi ang muling pagsasama nila Katniss at Peeta na binigyan pa kaunting twist sa dulo. Sa Mockingjay Part 2 pa natin makikita ang tunay na aksyon.

No comments:

Post a Comment