★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Kaitlyn Santa Juana, Teo Briones, Richard Harmon
Genre: Horror
Runtime: 1 hour, 50 minutes
Director: Zach Lipovsky, Adam Stein
Writer: Guy Busick, Lori Evans Taylor, Jon Watts (story)
Production: New Line Cinema, Practical Pictures, Freshman Year, Fireside Films
Country: USA
Si Stefani Reyes (Kaitlyn Santa Juana) ay isang college student na sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nagsimulang magkaroon ng masasamang panaginip kaugnay sa isang trahedyang naganap noong 1968 kung saan nakaligtas ang kaniyang lola matapos itong magkaroon ng premonisyon. Para matigil na ang mga panaginip na ito, uuwi si Stefani sa kaniyang pamilya para alamin kung bakit ito nangyayari sa kaniya. Doon na niya mapag-aalaman ang tungkol sa death's design at kung papaanong unti-unti silang hahabulin ng kamatayan dahil hindi dapat sila nabuhay kung hindi lang dahil sa kanilang lola na minsan nang tinakasan ang karit ni Kamatayan.
Matapos ang mahabang paghihintay, nagbabalik na ang Final Destination franchise sa pamamagitan ng bagong installment nito na tinawag na Bloodlines. Dala pa rin ng pelikula ang trademark nitong bloody, gory at exaggerated death scenes na minahal natin sa mga naunang pelikula. Sa barbecue party scene pa lang ay ramdam mo na agad ang tensyon. Sobrang intense ng mga ganap na tipong mapapatakip ka na lang ng mata pero sisilipin mo pa rin ito kasi gusto mong makita kung anong klaseng uri ng kamatayan ang mangyayari sa mga karakter.
Kakaiba ang naging atake ng pelikula sa pagkakataong ito. Walang anumang premonition o clues na makukuha ang bida na dati ay naging katuwang natin para malaman at hulaan kung anong klaseng kamatayan ang sunod na mangyayari. Mas nakakakaba ito kung ako ang inyong tatanungin dahil lahat tayo ay clueless sa plano ni Kamatayan. Maganda ang mga inihanda nilang red herring para mas paigtingin pa ang kaba ng mga manonood. Makikita rito kung gaano sila kahusay sa paglalaro ng suspense element ng kuwento. Gusto ko rin na may idinagdag na family secrets at family drama element sa istorya bilang magkakamag-anak ang grupong hinahabol ni Kamatayan sa pagkakataong ito.
Nanghihinayang lang ako na hindi masyadong nagamit ang libro na binuo ng kanilang lola. Parang naging missed opportunity ito lalo na't may potential sana itong magbukas ng panibagong lore tungkol sa death's list. Isa sana itong mahalagang sandata na puwedeng gamitin ng mga bida para malabanan si Kamatayan kaso, sa buong palabas ay tila ba nakalimutan na ito ng bida at nawalan na ito ng silbi.
Kahit papaano bumawi naman ang pelikula pagdating sa creative death scenes ng mga karakter katulad na lang sa ospital, ito ang isa sa mga pinaka-intense at burtal na death scenes sa palabas na maihahalintulad ko sa gymanstics death scene sa Final Destination 5. Bagamat isiniksik na lang sa dulo ang karamihan sa kamatayan ng mga karakter at naging sunod-sunod na ang bawat tagpo na parang walang pahinga, nanatili pa ring engaging ang pagkasawi ng bawat isa.
Isang bonus para sa mga longtime fans ang reference sa Final Destination 2 kung saan kinumpirma na buhay pa si Kimberly (A.J. Cook). Siguradong ikatutuwa ito ng maraming tagasubaybay ng series. Ang kagandahan pa ng installment na ito ay likable ang lahat ng characters, walang nakakainis sa kanila at naniwala agad sila sa pangunahing bida nung nagkaroon na ng patunay na totoo ang mga sinasabi niya. Malaking bagay ito para makabuo ng emosyonal na koneksyon ang mga audience.
Sa kabuuan, ang Final Destination: Bloodlines ay isang matagumpay na pagbabalik ng franchise. Dala pa rin nito ang madudugong kamatayan at takot para sa mga manonood pero may bago itong timpla na hindi nakakaumay. By far, ito ang pinakamahusay na installment sa buong serye para sa aking opinyon.
© New Line Cinema, Practical Pictures, Freshman Year, Fireside Films
No comments:
Post a Comment