Search a Movie

Monday, December 22, 2014

Camp Rock 2: The Final Jam (2010)

5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆☆☆

Starring: Demi Lovato, Joe Jonas, Nick Jonas, Kevin Jonas
Genre: Musical, Comedy, Family 
Runtime: 1 hour, 37 minutes

Director: Paul Hoen
Writers: Dan Berendsen, Karin Gist, Regina Hicks
Production: Walt Disney Television, Alan Sacks Productions
Country: USA


Hindi ko pa napapanood ang Camp Rock (2008) kaya wala akong ideya kung tungkol saan ang istorya nito ngunit maiintindihan mo parin naman ang kuwento kahit na hindi mo pa nasisilip ang unang parte. Iikot ang pelikula sa pagbabalik ni Mitchie Torres (Demi Lovato) sa Camp Rock, isang summer camp para sa mga mahilig sa musika na ipinatayo ng rocker na si Brown Cesario (Daniel Fathers). Sa pagbabalik ni Mitchie ay kapansin-pansin na kakaunti lang ang mga campers para sa taong ito. Ang dahilan ay ang Camp Star, isang bagong bukas na summer camp na malapit lang sa Camp Rock.

Sa unang araw ng summer camp ay naimbitahan ang mga campers ng Camp Rock sa kakaibang bersyon ng bonfire ng Camp Star na pinamumunuan ni Axel Turner (Daniel Kash), ang frienemy slash ex-bandmate ni Brown. Ang hindi alam ng Camp Rock ay may dahilan ang imbitasyon na ito. Pagkatapos ng bonfire event ay inalok ni Axel ang mga counselors ng Camp Rock na lumipat sa kanilang kampo kung saan ay dodoblehin nito ang kanilang sahod, binigyan din niya ng pagkakataon ang mga campers na gustong lumipat sa mas malaki at mas moderno nilang kampo. Dahil dito, nalagasan ng ilang counselors ang Camp Rock at nawalan din sila ng campers kaya kinaumagahan ay napag-desisyunan ni Brown na kanselahin na lang ang summer camp para sa taong ito at isara ang Camp Rock.

Hindi naman pumayag si Mitchie sa desisyong ito ni Brown kaya ang naiisp niyang paraan ay hikayatin ang mga kasamahan niyang old-timer na tumayo bilang counselors at ipagpatuloy ang summer camp. Dito na magsisimula ang panibagong magulo ngunit masayang summer kung saan magpapakita sa tunay na kahulugan ng "summer camp".

Bilang isang musical, hindi talaga mawawala dito ang kantahan at sayawan pero may ilang sayawan dito na nagmumukhang wala sa lugar katulad na lang sa nangyari sa cafeteria na sumayaw at kumanta sila at pagkatapos ay wala namang naitulong sa kuwento. Pagdating sa mga kantang ginamit, mangilan-ngilan lang ang pasado sa tainga at may recall at karamihan ay madali na lang makalimutan.

Kulang na kulang din ang pelikula pagdating sa aktingan. Hindi pa hasa ang acting skills ng mga bida lalo na ang Jonas Brothers kaya minsan ang isang magandang eksena ay nawawalan ng saysay dahil hindi maganda ang execution ng mga bida. Sa istorya naman, maraming mga kaganapan dito na hindi kapani-paniwala at halatang inilagay lang upang makagawa ng istorya at magpatawa tulad ng pagkahulog ng bus sa bangin o ang pagtama ng bracelet ni Dana (Chloe Bridges) kay Nate (Nick Jonas). 

Maganda ito bilang pampalipas ng oras para sa mga mahilig manood ng pelikula na puno ng kantahan at sayawan at hinaluan ng kaunting katatawanan at istorya ng pag-ibig. Kagigiliwan ito ng mga bata at teenagers o maging ang mga matatanda na young at heart. Makapagbibigay parin naman ito ng good vibes kahit na ang kuwento ay nakulangan sa husay subalit kung ang hanap mo ay musical na may mabangis na kuwento, hindi ito ang gugustuhin mo.


© Walt Disney Television, Alan Sacks Productions

No comments:

Post a Comment