Search a Movie

Monday, December 29, 2014

The Kings of Summer (2013)

7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Nick Robinson, Gabriel Basso, Moisés Arias
Genre: Comedy, Drama
Runtime: 1 hour, 35 minutes

Director: Jordan Vogt-Roberts
Writer: Chris Galletta
Production: Big Beach Films, Low Spark Films
Country: USA


Lahat tayo ay dumaan na o siguradong dadaan pa lang sa parte ng ating buhay kung saan ay gusto nating mapag-isa at lumayo sa ating pamilya dahil sa minsa'y tila hindi nila tayo maintindihan. Ito yung parte kung saan mataas ang tiyansa ng mga kabataan na mag-rebelde. Iyong parte ng ating buhay na tila ba lahat ng ginagawa natin ay hindi maganda sa paningin ng ating mga magulang. Ganito ang sitwasyon ni Joe Toy (Nick Robinson) kasama ang kaniyang amang diktador na si Frank (Nick Offerman). Kailangan niyang sumunod sa lahat ng utos ng kaniyang ama dahil nakatira siya sa bahay nito at nasa loob siya ng kaniyang pangangalaga. Ito ang dahilan kung bakit isang araw, nang minsan siya'y maligaw sa gubat ay isang ideya ang pumasok sa kaniyang isipan na siyang maaaring makapagbigay ng kalayaang kaniyang inaasam: ang magtayo ng sariling bahay sa gitna ng gubat.

Sa kabilang banda naman, si Patrick Keenan (Gabriel Basso) na matalik na kaibigan ni Joe ay nasa parehong sitwayson din. Lumaki siya sa kakaibang pangangalaga ng kaniyang ama't ina hanggang sa nagsimula na siyang marindi sa kanilang paraan ng pakikitungo sa kaniya. Nang ibahagi sa kaniya ni Joe ang ideyang kaniyang naisip ay nag-alinlangan muna ito noong una ngunit kalaunan, nang hindi na talaga niya makayanan ang ugali ng kaniyang mga magulang ay pumayag din siya.

Kasama si Biaggio (Moisés Arias), isang weirdong bata na nakisali sa kanilang plano ng walang dahilan ay nagtayo sila ng sarili nilang bahay sa gitna ng kagubatan kung saan walang makakahanap at makakakita sa kanila. Mula sa mga kahoy at parte ng bahay na napulot nila sa kung saan-saan ay nakapagpatayo sila ng isang simpleng bahay na sakto lang para sa tatlong binata na naghahangad ng kalayaan mula sa mga istirkto nilang magulang.

Sa kabila ng pagkakaroon ng seryosong tema ng pelikula ay nabalanse naman ito ni Vogt-Roberts sa pamamagitan ng mga nakakatuwang dayalogo lalo na mula sa karakter nila Fank at Biaggio. Magaan sa loob ang pagkakagawa ng pelikula kaya mas nangingibabaw ang good vibes nito sa kabila ng mga drama sa buhay ng mga bida.

Maraming makaka-relate sa kuwento nito lalo na sa mga kabataan ngayon na hindi pa naiintindihan ang ugali ng kanilang mga magulang at maging ang mga nasa hustong gulang na na dumaan na sa ganitong yugto ng kanilang buhay. Kuhang-kuha nito ang timpla ng mga batang suwail kasama ang mga ambisyon nila na mahirap man makamit dahil sa edad nila sa ngayon ay nagawa naman dahil sa determinasyon.

Isa itong magandang pelikula na nagbibigay importansya sa mga karaniwang pinagdaraanan ng mga kabataang nasa parehong edad. Subalit kahit anuman ang mangyari, ipinakita pa rin dito ang katotohanan na sa kabila ng mga problemang ating kinakaharap ay babalik at babalik pa rin tayo sa mga taong tunay na nagmamalasakit sa atin sa kabila ng kanilang pagiging mahigpit at istirkto.


© Big Beach Films, Low Spark Films

No comments:

Post a Comment