Search a Movie

Thursday, March 19, 2015

Lucy (2014)

5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆☆☆

Starring: Scarlett Johansson, Morgan Freeman, Choi Min-sik
Genre: Action, Sci-Fi, Thriller
Runtime: 1 hour, 29 minutes

Director: Luc Besson
Writer: Luc Besson
Production: Canal+, Ciné+, EuropaCorp, TF1 Films Production
Country: France


Katulad ng sinabi ko dati, may mga ilang rules dapat tayong isinasaalang-alang tuwing tayo'y nanonood ng mga pelikula. Bawat palabas lalo na sa mga sci-fi o fantasy films, ay may kaniya-kaniyang patakaran na kailangan mong tanggapin upang sa gayon ay ma-enjoy mo ang palabas at ganoon din dito sa Lucy. Kailangan mong sumunod at intindihin ang mundo nito upang magustuhan mo ang palabas kahit na ang ilan dito ay mahirap paniwalaan at minsa'y lumalabas na katawa-tawa.

Walang paliguy-ligoy ang kuwento ng Lucy, sa simula pa lang ay diretso na agad ito sa istorya ng pelikula. Isang misteryosong briefcase ang kinakailangan i-deliver ni Lucy (Scarlett Johansson) sa nagmamayari nito. Wala dapat siyang kinalaman sa transaksyong ito kung hindi lang dahil sa a-hole niyang boyfriend na siyang nagpasok sa kaniya sa gulo. Sa una pa lang ay mapapansin mo na ang pagiging illogical ng mga characters na halata namang ginawa para lang masunod ang kuwento o hindi naman kaya ay magbigay ng kaunting drama at asahan mong marami pang ganitong pangyayari sa pag-usad ng pelikula.

Ang hindi alam ni Lucy, isang synthetic drug na may pangalang CPH4 ang laman ng briefcase at ang nagmamay-ari nito ay si Mr. Jang (Choi Min-Sik) na isang drug lord. Huli na nang mamalayan ni Lucy na ginawa na pala siyang drug mule at kasama ang tatlong pang drug mules ay kinakailangan nilang mai-transport ang drugs sa Europa upang maibenta ito. Habang nasa kalagitnaan ng transportation ay aksidenteng nabuksan ang droga na nasa loob ng katawan ni Lucy dahilan upang maihalo ang droga sa kaniyang sistema at doon na nagsimula ang kababalaghan sa katawan ni Lucy na hindi ko alam kung mamamangha ba ako o matatawa.

Nagsimulang maging extra-ordinaryo ang katawan ni Lucy. Nagkaroon siya ng lakas sa katawan, liksi at galing sa pakikipaglaban. Bukod doon ay gumanda ang kaniyang senses at nagsimulang makaintindi ng ibang lenggwahe. Ang pinaniniwalaang 10% ng utak na siyang ginagamit ng karaniwang tao ay nalampasan na niya at nagawang gamitin ang iba pang porsyento nito dahilan upang maging invincible siya na para bang superhero. Ngunit sa kabila nito ay unti-unting nanganganib ang buhay ni Lucy hindi lang mula sa sindikatong humahabol sa kaniya kundi pati sa drogang nasa katawan niya.

Kung ang hinahanap mo ay isang bad-ass action flick kung saan babae ang bida, madidismaya ka lang dito. Babae nga ang bida dito ngunit kulang na kulang naman pagdating sa aksyon at kung meron man ay hindi kasing-galing ng action skills ni Black Widow. Bagkus, ang makikita mo dito ay random clips ng kalikasan at mga hayop na tila galing sa Discovery Channel at isiningit lang upang mapahaba pa ang pelikula dahil sa pagiging sobrang fast-paced nito. Pagdating sa dulo, mahihirapan ka na sa pagkapa ng istorya dahil magsisimula nang magtalo ang isip mo sa kung ano ang mga dapat na ginawa ng direktor upang mas gumanda pa ang pelikula kumpara sa napapanood mo sa kasalukuyan. 

Kahit na tanggapin mo pa ang nature ng pelikulang ito, tataas parin ang kilay mo, mangungunot ang iyong noo at mapapa-SMH ka na lang habang nanonood nito.


© Canal+, Ciné+, EuropaCorp, TF1 Films Production

No comments:

Post a Comment