Search a Movie

Friday, February 26, 2016

Freaks of Nature (2015)

6 out of 10 stars
★★★★★★☆☆☆☆

Starring: Nicholas Braun, Mackenzie Davis, Josh Fadem, Vanessa Hudgens
Genre: Comedy, Horror
Runtime: 92 minutes

Director: Robbie Pickering
Writer: Oren Uziel
Production: Columbia Pictures, Sony Pictures Entertainment
Country: USA

Sa paggawa ng pelikula, minsan ay kinakailangan mong mag-isip ng mga bagong ideya na maaaring pumukaw sa interes ng mga manonood. Ganito ang ginawa nila Oren Uziel at Robbie Pickering sa kanilang Horror-Comedy film na Freaks of Nature kung saan sa isang mundo ay pinagsama-sama nila ang mga tao, bampira, zombies at maging ang mga aliens.

Tahimik na sana at mapayapa na ang buhay ng mga tao sa mundo kasama ang mga bampira at zombies. Ngunit nang isang araw biglang sumalakay ang mga aliens sa planetang Earth ay muling nabuhay ang dating bangayan ng tatlong nilalang sa isa't-isa. Sa pag-aakalang ang mga tao ang nag-imbita sa mga aliens upang tugisin sila, bumuo ng grupo ang mga bampira para salakayin ang mga tao. Ang hindi nila alam, ganoon din ang iniisip ng mga tao laban sa mga bampira. Dahil dito, isang sagupaan ang naganap kung saan maging ang mga nananahimik na zombies ay napasama sa gulo.

Ngayon, nasa tatlong kabataan na nakasalalay ang kaligtasan ng mundo mula sa labanan ng mga tao, bampira, zombie at sa alien invasion. Si Dag Parker (Nicholas Braun) na isang tao, si Petra Lane (Mackenzie Davis) na isang bampira at si Ned Mosely (Josh Fadem) na isang zombie, kinakailangan nilang labanan ang kaniya-kaniyang temptasyon upang maibalik sa dati ang maayos na pagsasama ng tatlong uri ng nilalang.

Aaminin ko, maganda ang naging konsepto ng pelikula ni Pickering. Nakuha nito ang interes ko nang pagsama-samahin niya ang mga fictional characters na hindi natin inaasahang maaaring magsama pala sa iisang pelikula. Kung ang Marvel, pinagsama-sama sina Iron Man, Thor, Captain America at Hulk sa iisang pelikula, ganun din dito sa Freaks of Nature. May zombie na, may bampira na at may alien pa.

Subalit ang nakaka-intrigang konsepto na ito ay hindi gaanong napanghawakan ng direktor. Nagmukhang parody ang buong pelikula dahil sa cheap na visual effects at corny dialogues. Kung ako ang tatanungin, mai-enjoy mo parin naman ang panonood nito kahit na pangit ang pagkakasulat sa kuwento at tila nawalan ito ng saysay pagdating sa dulo. Magugustuhan siguro ito ng iba dahil sa pagiging magaan ng palabas at may maayos na mga karakter naman ito kahit papaano.

Iyon lang, nadismaya ako nang hindi nito naabot ang ekspektasyon ko. Nasayang talaga ako sa konsepto. Sana lang may gumawa ulit ng pelikula na may kaparehong konsepto, ngunit sa ngayon ay may mas maayos, mas disente at mas seryoso nang kuwento. Sa ngayon, wala ang mga ito sa naturang pelikula.

No comments:

Post a Comment