Search a Movie

Monday, April 30, 2018

Mother! (2017)

Poster courtesy of IMP Awards
© Protozoa Pictures
6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Jennifer Lawrence, Javier Bardem
Genre: Drama, Horror, Mystery
Runtime: 2 hours, 1 minute

Director: Darren Aronofsky
Writer: Darren Aronofsky
Production: Protozoa Pictures
Country: USA


Sa isang simple at malayo sa mga tao na bahay naninirahan ang isang mag-asawa. Ang lalaki (Javier Bardem) ay isang manunulat samantalang ang babae (Jennifer Lawrence) naman ang siyang nag-aayos sa kanilang malaking bahay na bagong tayo mula sa pagkasunog nito. 

Tahimik na maituturing ang naging pagtira ng dalawa sa naturang bahay hanggang sa mabulabog ang katahimikang ito nang dumating ang isang matandang bisita. Hindi man ito kakilala ng lalaki ay pinapasok niya ito sa kaniyang tirahan upang magpalipas ng gabi. Ang hindi nila alam, kinaumagahan ay dumating naman ang asawa nitong babae. Ang dating tahimik na buhay ng mag-asawa ay nagsimulang gumulo at masira nang ang dating isang bisita ay unti-unting dumami.

Kung pananakot ang pag-uusapan ay nagawa akong takutin ng palabas na ito, psychologically nga lang. Wala itong multo o anumang jumpscares. Tatakutin ka lamang ng palabas sa pamamagitan ng mga pangyayari na lalabag sa iyong kagustuhan o sa buhay ng bida. Intense ang mga kaganapan at pakakabahin ka sa bawat tagpo. Iyon nga lang, pagdating sa kuwento ay para itong foreign film na walang subtitle. Akala mo ay nasusundan mo na ang istorya ngunit maya-maya ay hindi mo na alam kung ano ang mga nangyayari.

Kung papanoorin mo ito mula sa isang simpleng pananaw ay tiyak na malilito ka lang. Hindi ito yung tipo ng palabas na ginawa upang i-entertain ka. Bagkus ay isa itong mensahe na ginawang pelikula na kailangan mong gamitin ang iyong utak para malaman kung ano ito. At dahil hindi ito nakayanan ng utak ko ay kinailangan ko ang tulong ng Google at doon ko napagtanto kung ano ang nais iparating ng palabas. Sa tulong ng internet ay nabigyang sagot ang mga katanungang nabuo habang pinapanood ko ang palabas.

Kung tutuusin, isa itong napakatalingong pelikula na nangangailangan din ng mga matatalinong manonood upang ma-appreciate ang naturang obra. Subalit bilang isang simpleng manonood na naghahanap ng panandaliang aliw, hindi ito para sa akin at lalong hindi para sa lahat.


No comments:

Post a Comment