Search a Movie

Wednesday, January 27, 2016

Heneral Luna (2015)

8 out of 10 stars
★★★★★★★★☆☆

Starring: John Arcilla, Mon Confiado, Arron Villaflor
Genre: Action, History
Runtime: 118 minutes

Director: Jerrold Tarog
Writer: Monching Barado
Production: Artikulo Uno Productions

Isang epiko na karapat-dapat lang isama sa listahan ng mga pelikulang Pilipino na may katuturan at hindi sasayangin ang iyong oras na ilalaan sa panonood nito. Ang pelikula ay ang bayograpiya ni Heneral Antonio Luna sa panahon ng digmaan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika. Dito ipapakita ng palabas kung papaanong matapang na hinarap ni Heneral Luna (John Arcilla) ang  pagsalakay ng mga Amerikano sa Pilipinas at kung paano nito ipinaglaban ang karapatang maging malaya ng mga Pilipino sa sarili nilang bansa.

Ngunit ang katapangan na ito ay hindi pa sapat upang maatim ang ninanais na kasarinlan ni Heneral Luna dahil ang pagiging makabayan nito ay taliwas sa pagiging makabayan ng kapwa niya Pilipinong sina Felipe Buencamino (Nonie Buencamino) at Pedro Paterno (Leo Martinez) kung saan suportado nila ang pakikipagkalakalan ng Pilipinas sa mga Amerikano. Gayunpaman ay ipinagpatuloy parin ni Luna ang kaniyang ipinaglalaban sa tulong na rin ng iba pang Heneral ngunit ang hindi niya alam, ang lahat ng ito ay mauuwi lang sa pagtataksil mula sa kapwa niya Pilipino dahil ang tunay na kalaban ay hindi ang mga Amerikano kundi ang mga sarili niyang kababayan.

Ang unang mapapansin mo sa pelikula ay ang mga napakagandang set at costume ng bawat karakter sa pelikula, ito'y sinabayan pa ng maayos at kabigha-bighaning sinematograpiya na sa kabila ng pagkakaroon ng mga brutal na eksena ay mapapahanga ka pa rin sa ganda ng kuha ng kamera. 

Pangalawang mapapansin mo dito ay ang malulutong na mura at kahit na malayo ang Heneral Luna mula sa pagiging komedya ay matatawa ka pa rin dito dahil sa mga nakakatuwang pag-uusap ng mga bida at sa mga eksenang makaka-relate ka dahil sa pagiging Pinoy na Pinoy nito katulad na lang ng pakikipag-usap ni Heneral Luna sa isang Amerikano gamit ang kaniyang "carabao english". 

Naipakita ni Jerold Tarrog sa kaniyang pelikula ang iba't-ibang klase ng Pilipino, ang mga matapang, ang mga buwaya, mga mapagmataas, balimbing, talangka na magpahanggang sa kasalukuyan ay mga ugaling buhay na buhay pa rin. Habang pinapanood mo ito ay mapagtatanto mo kung paanong nasayang ang kabayanihan ng ating mga ninuno dahil sa pagiging makasarili ng ilan. Tunay ngang ang kalaban ng mga Pilipino ay ang sarili nito.

Kung sakaling naghahanap ka ng matinong pelikula na gawang Pinoy ay irerekomenda ko ito dahil bukod sa magandang pagsasabuhay ng Heneral Luna sa kasaysayan ng Pilipinas ay tiyak mae-enjoy mo ang panonood dito dahil ang bawat bida sa pelikula ay nagpamalas ng kaniya-kaniyang galing. Kung inilaban lang sana ito sa Metro Manila Film Festival ay tiyak ito ang hahakot ng mga parangal. 

No comments:

Post a Comment