Search a Movie

Friday, January 22, 2016

The Visit (2015)

7 out of 10 stars
★★★★★★★☆☆☆

Starring: Olivia DeJonge, Ed Oxenbould, 
Deanna Dunagan, Peter McRobbie
Genre: Horror, Thriller
Runtime: 94 minutes

Director: M. Night Shyamalan
Writer: M. Night Shyamalan
Production: Blinding Edge Pictures, Blumhouse
Productions
Country: USA

Ang The Visit ay tungkol sa naging isang lingong bakasyon ng magkapatid na Rebecca (Olivia DeJonge) at Tyler Jamison (Ed Oxenbould) sa lugar ng kanilang lolo't lola na ngayon lang nila makikita simula nang maglayas ang kanilang ina labing-limang taon na ang nakakalipas.

Ito ay isang found footage na pelikula na katulad ng ibang palabas na may parehong istilo, ang bida ay gumagawa ng isang dokyumentaryo. Dito, planong kunan ni Becca sa kamera ang kanilang bakasyon ngunit ang hindi nito alam ay ibang kaganapan pala ang mahahagip ng lente ng kaniyang kamera. Sa pamamalagi ng magkapatid sa tahanan ng kanilang kinikilalang lolo at lola ay mapapansin nilang may mali sa kanilang mga kasama sa bahay. Sa pagsapit ng pasado alas-dyes ng gabi, nagsisimulang mag-iba ang kilos nga kanilang Nana (Deanna Dunagan) at Pop Pop (Peter McRobbie). Noong una'y inakala ng dalawa na natural lang ito sa mga matatanda ngunit sa pagtagal nila sa bahay ay mapapatunayan nilang hindi lang ito simpleng pagkakaroon ng edad.


Iba ito sa mga nakasanayan nating horror films na nagsusulputan sa kasalukuyan. Tatakutin ka ng pelikula hindi dahil sa mga multo kundi dahil ilalabas nito ang nagtatagong takot na sa imahinasyon mo lang umiikot. May mangilan-ngilang jump scares na gugulat sa iyo subalit hindi rito manggagaling ang takot na mararamdaman mo sa pelikula kundi sa mga kaganapan mismo na mapapanood mo sa screen. Hindi na rin nito kailangan ng musical scoring na tutulong sana sa pananakot dahil sapat na ang cinematography nito upang magbigay ng creepy feeling sa nanonood.

Pero sa kabila ng pagiging horror nito, maya't-maya ay patatawanin ka ng makukulit na dialogue ng dalawang bida. Maayos ang mga artistang nagsiganapan sa bawat karakter kaya hindi problema dito ang akting. Ang problema lang siguro dito ay matapos ibulgar ang nakakapangilabot na twist sa dulo ay hindi nila ito nagamit ng maayos upang makabuo ng intense na climax. Simula sa big reveal ay nagsimula nang bumaba ang thrill ng pelikula.

Sa pangkalahatan ay isa ang The Visit sa mga pelikulang makapagbibigay ng kakaibang paraan ng pananakot, malayo sa mga palabas na kumakapit lang sa tugtog at panggulat. Bukod pa dito, kahit na isa itong pelikula na ginawa upang manakot ay may maibibigay din itong leksyon para sa mga manonood na siyang lalong nagpaangat sa kagandahan ng pelikula.

No comments:

Post a Comment