Genre: Drama, Mystery, Sci-Fi
Runtime: 108 minutes
Director: Alex Garland
Writer: Alex Garland
Production: DNA Films, Film4
Country: UK
Isang programmer, isang bilyonaryo at isang robot na may artificial intelligence, ano ang mangyayari kapag nagsama ang tatlong ito ng isang lingo sa iisang bubong? Ito ang pangunahing paksa ng Ex Machina na magpapagana sa iyong isipan habang sinusulit ang panonood ng simple ngunit may disenteng kuwento na pelikula.
Programmer sa isang kumpanya si Caleb Smith (Domhnall Gleeson) na nanalo ng isang one-week vacation sa liblib at pribadong tahanan ng kanilang bilyonaryong CEO na si Nathan Bateman (Oscar Isaac). Ngunit sa isang lingo na ito ay mapag-aalaman ni Caleb na hindi bakasyon ang ipinunta nito sa bahay ni Nathan kundi para sa isang eksperimento. Siya ang napili ng kanilang CEO na mangasiwa sa Turing test para kay Ava (Alicia Vikander), isang may katawang babae na robot na may artificial intelligence. Ang kailangan lang gawin ni Caleb ay makipag-usap kay Ava upang makita kung may kakayanan itong iparamdam sa iba na isa siyang tao at hindi robot.
Ngunit magkakaroon ng problema nang magsimulang mahulog ang loob ni Caleb kay Ava. Naging concern ang binata sa kahihinatnan ni Ava kung sakaling hindi ito pumasa sa Turing test kaya nagsimulang magsabwatan ang dalawa laban sa kanilang among si Nathan.
Ang pelikula ay kinabibilangan lang ng tatlong bida at mangilan-ngilan na ekstra gayunpaman ay hindi ito naging hadlang sa pagkakaroon ng pelikula ng magandang resulta. Magaling ang ipinakita nila Gleeson at Isaac ngunit ang tunay na nagbida dito ay si Vikander. Mapapabilib ka sa kaniyang abilidad na umarte na naaayon sa kaniyang role. Bukod sa napakagandang effects na ginawa sa katawan ni Vikander ay kapani-paniwala talaga ang pagganap nito bilang isang matalinong robot at mapapa-ibig ka niya kahit na ika'y isang hamak na manonood lamang.
Maganda at maayos ang pagkakasulat ni Alex Garland sa kuwento na may misteryosong simula hanggang sa unti-unting ipinakita ang tunay na kulay ng palabas. Tulad ni Caleb ay mahuhulog din ang loob mo kay Ava, magkakaroon ng pagdududa kay Nathan at kakampi sa bida ngunit sa mga susunod na pahina ay lilituhin ka ng kuwento hanggang sa hindi mo na alam kung kanino ka dapat kumampi.
Hindi ganoon ka-revealing ang twist sa dulo ng pelikula subalit maayos itong natapos at para sa akin ay satisfying ang naging konklusyon nito. Bilang isang sci-fi na palabas ay wala itong gaanong special effects at isa ito sa dahilan kung bakit maganda ang Ex Machina, malinis at sa kuwento talaga ito tumutok.
No comments:
Post a Comment