Search a Movie

Tuesday, April 14, 2015

Guardians of the Galaxy (2014)

8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Chris Pratt, Zoe Saldana, Dave Bautista, Vin Diesel, Bradley Cooper
Genre: Action, Adventure, Sci-Fi
Runtime: 2 hours, 1 minute

Director: James Gunn
Writer: James Gunn, Nicole Perlman
Production: Marvel Studios, Moving Picture Company (MPC)
Country: USA


Si Peter Quill (Chris Pratt) o hindi masyadong kilala sa codename na Star-Lord ay mula sa Earth. Matapos mamatay ang ina ay kinidnap siya ng mga Ravagers o kilala bilang mga pirata ng kalawakan. After 26 years, lumaki siya bilang isang magnanakaw. Nang mapasakamay niya ang isang orb na siya ring hanap ng grupo ni Ronan (Lee Pace) ay doon nagsimulang mabago ang direksyon ng kaniyang buhay. 

Nang malaman ni Ronan na napasakamay ng ibang tao ang orb, inutusan nito ang assasin na si Gamora (Zoe Saldana) upang kunin ang naturang bagay. Ang hindi niya alam, may ibang plano pala si Gamora at ito ay ang pagtaksilan si Ronan. Sa kalagitnaan ng agawan nila Quill at Gamora sa orb ay dito naman pumasok ang dalawang bounty hunters na sina Rocket (Voiced by Bradley Cooper) at Groot (Voiced by Vin Diesel) na ang habol ay ang patong sa ulo ni Quill. Kasalukuyang may patong sa ulo si Quill dahil pinaghahanap din siya ngayon nila Yondu Udonta (Michael Rooker) at ng iba pa niyang kasamahan dahil sa pagkuha nito sa orb ng mag-isa.

Ang gulong sinimulan ng apat ay ang naging dahilan kung bakit sila hinuli ng Nova Corps o mga pulis pangkalawakan at nauwi sa Kyln, ang kulungan sa outerspace. Sa kulungan ito naman nila makikilala si Drax (Dave Bautista) na ang tanging gusto ay ang maghiganti kay Ronan dahil sa ginawa nitong pagpatay sa kaniyang pamilya at gagamitin niya si Gamora upang makamit ang paghihiganting ito.

Nang makatakas ang grupo sa kulungan ay sinubukan ng lima na i-benta ang orb ngunit nagkaroon ng problema nang nalaman nilang ang orb ay isa palang Infinity Stone na maaaring sumira sa sanlibutan kapag napunta sa masamang kamay. Napagpasyahan ng lima na ibigay na lang ito sa Nova Corps upang mapangalagaan ngunit sa katangahan ni Drax, napunta ang orb sa kamay ni Ronan at dito na nagsimulang mabuo ang Guardians of the Galaxy, nagsama-sama sina Quill, Gamora, Drax, Rocket at Groot upang bawiin ang orb kay Ronan at pigilan ito sa plano niyang pagwasak sa Xandar.

Very lovable ang mga characters dito, maging ang kalabang si Nebula ay gustong-gusto ko pero sa lahat, super effective si Chris Patt sa role niya bilang Quill. Nakakatuwa ang mga antics niya at hindi man siya kasing astig ni Tony Stark o kasing lakas ni Thor o kasing galing lumaban tulad ni Captain America ay may sariling style si Quill at kaya niyang lumaban with humor. 

Visually good din itong pelikula, sa costume and make-up pa lang ay mabubusog ka na, isama mo pa pati ang special effects ay talagang buo na ang araw mo. Sa buong pelikula, hindi pumasok sa isip ko na computer-generated sina Rocket at Groot. Para silang live actors na umarte rin kasama ang mga tunay na tao. Siyempre, kailangang bigyan ng credit sina Bradley Cooper dito at si Vin Diesel dahil sila ang nagbigay buhay sa dalawang characters na ito. Sa kanilang lima, si Drax ang pinaka-weak, siguro dahil masyado nang gamit ang character role nito.

Malaking factor din ang mga kantang ginamit dito na lahat ay mga kantang mula sa taong 60's-80's. Ito ang nag-set ng tone ng pelikula kaya sa simula hanggang huli ay good vibes ang palabas.

Pagdating naman sa dialogue, isa pa ito sa maipagmamalaki ng pelikula. Bukod sa effects, wala akong masabi sa dialogue. Witty, sarcastic at puno ng humour. Ang sarap makinig sa usapan nila at bawat punchline ay malayo sa kakornihan. Ang downgrade lang siguro nito, kung hindi ka Marvel fan or comic book nerdy, mahirap intindihin o kilalanin ang mga terms na ginamit sa pelikula, ganun pa man, aabangan ko parin ang pagbabalik ng mga Guardians of the Galaxy.


© Marvel Studios, Moving Picture Company (MPC)

No comments:

Post a Comment