Search a Movie

Monday, June 25, 2018

Fifty Shades Freed (2018)

Poster courtesy of IMP Awards
© Universal Pictures
5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆☆☆

Starring: Dakota Johnson, Jamie Dornan
Genre: Drama, Romance, Thriller
Runtime: 1 hour, 45 minutes

Director: James Foley
Writer: Niall Leonard, E. L. James (novel)
Production: Perfect World Pictures, Universal Pictures
Country: USA


Sa ikatlong parte ng Fifty Shades series, magsisimula ang pelikula sa buhay mag-asawa nila Christian Grey (Jamie Dornan) at Anastasia Steele-Grey (Dakota Johnson). Agad maaantala ang kanilang masayang honeymoon nang pasukin ang kanilang tahanan. Malalagay sa panganib ang buhay ni Ana sa pagbabalik ng dati nitong boss na si Jack Hyde (Eric Johnson) na nais paghigantihan ang mag-asawa.

Bukod sa problema kay Hyde ay magkakaroon din ng kaniya-kaniyang suliranin sina Christian at Ana. Problema ni Ana ang nagkakalamat na relasyon ng kaibigan niyang si Katherine Kavanagh (Eloise Mumford) at brother-in-law na si Elliot Grey (Luke Grimes). Samantalang dilema naman ni Christian ang kagustuhan ni Ana na magdalang-tao. Lahat ng ito ang susubok sa tibay ng relasyon ng mag-asawa.

Sa buong franchise, ang isa sa mga nagustuhan ko sa palabas ay ang mga pop songs na ginamit dito. Upbeat at nakapagbibigay ito ng excitement sa mga eksena. Pareho ring magandang tignan sina Johnson at Dornan sa screen ngunit sa kabila no'n ay nawalan na sila ng chemistry dito. Dahil siguro bawat eksena ay palaging magkasama ang dalawa, nawalan sila ng spark dahil mauumay ka na sa kanilang pagsasama. 

Matapos ang tatlong pelikula ay sa wakas nakuha na rin ni Dornan ang pagiging misteryoso at cool na billionaire ng kaniyang karakter na si Grey. Sa kabilang banda ay medyo boring at mediocre naman ang ipinamalas ni Johnson na pag-arte. Dahil siguro boring at mediocre din ang kaniyang karakter sa first half ng pelikula. Ngunit nakabawi naman siya huling parte ng palabas kung saan siya ang nagbida sa climax nito.

Makukuha ng Fifty Shades Freed ang interes ng manonood dahil sa climax nito na twenty minutes lang yata ang itatakbo. Iyon lang ang pag-iinteresan mo dito dahil ang iba nang parte ng palabas ay kung hindi bed scenes ay mga walang saysay na eksena kung saan ipinapakita lang nila ang kanilang yaman. Sa dami ng naging subplots ng palabas ay hindi nila nabigyan ng tuldok ang kuwento ni Mrs. Robinson na isa pa sana sa mgagandang kuwento na pwedeng ikutan ng pelikula.


No comments:

Post a Comment