Search a Movie

Wednesday, June 20, 2018

The Space Between Us (2017)

Poster courtesy of IMP Awards
© Southpaw Entertainment
5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆

Starring: Asa Butterfield, Britt Robertson
Genre: Adventure, Drama, Romance, Sci-Fi
Runtime: 2 hours

Director: Peter Chelsom
Writer: Allan Loeb, Stewart Schill (story), Richard Barton Lewis (story)
Production: Los Angeles Media Fund, STX Entertainment, Southpaw Entertainment
Country: USA


Si Gardner Elliot (Asa Butterfield) ang kauna-unahang bata na ipinanganak sa planetang Mars. Ito ay dahil habang nasa misyon ang astronaut nitong ina na si Sarah Elliot (Janet Montgomery) ay saka lang nito napag-alamang buntis siya. Sa kasamaang palad ay binawian ng buhay si Sarah matapos nitong ipanganak ang sanggol.

Dahil hindi sanay ang katawan ni Gardner sa gravity ng Earth ay hindi siya pinayagang umuwi dito. Kaya naman sa labing-anim na taon na lumipas ay sa Mars na siya lumaki at nagbinata. Sa kaniyang pananatili sa ibang planeta ay makikilala ni Gardner si Tulsa (Britt Robertson) isang dalaga mula sa Earth kung kanino mahuhulog ang loob nito.

Hanggang sa dumating ang araw na pinayagan nang lumipad pabalik sa Earth si Gardner. Sa unang pagkakataon ay naranasan nitong maging isang normal na binata. Sa kaniyang pagdating sa planeta na kaniyang pinangarap simula pagkabata ay dalawang misyon ang kaniyang nais gawin: ang katagpuin si Tulsa at ang hanapin ang kaniyang ama. Ngunit kinakailangan niya itong gawin sa lalong madaling panahon bago bumigay ang katawan nito.

Isang napakagandang konsepto ng kuwentong pag-ibig ang The Space Between Us kung saan nilevel-up ang long distance relationship. Ngunit ang naging problema ng pelikula ay napakapangit ng pagkakasulat sa lahat ng karakter nito. Mga rebellious na bida at mga scientists na hindi marunong mag-remedyo. Kung tutuusin ay bad influence pa nga ang mga bida nito para sa mga manonood dahil ang naging adventure ng dalawa ay puno ng pagtakas, pagnanakaw at pag-ibig na hindi sana masama kung hindi lang sila sixteen years old.

Maganda sana kung pinairal na lang sa palabas ang friendship sa pagitan ng dalawang bida at hindi ipinilit ang love angle na para bang alam na alam nila kung paano ang umibig. Walang chemistry sina Butterfield at Robertson at ni kaunting spark ay walang nabuo sa pagitan nila. Dahil na din karamihan sa mga pinaggagawa nila, bukod sa hindi makatotohanan, ay hindi rin makatarungan. Ipinakita ng palabas na proket hindi naging maganda ang kanilang pagkabata ay may karapatan na silang maging rebelde na hindi magandang ehemplo sa mga kabataan.

Hindi rin maganda ang naging storyline nito kung saan ang malaking misteryo ng palabas, dahil nasa climax na, ay bigla-bigla na lang nalaman ng bida ng walang kadahilanan. At ang naging adventure nila Gardner at Tulsa ay agad nawalan ng saysay dahil sa biglang pagbabago ng pasya ng bida. Ang hindi katanggap-tanggap sa palabas ay naisahan ng mga bata ang matatanda na kung tutuusin, sa totoong buhay ay madali lang sanang lutasin ang kanilang paghahanap. 

Ito na siguro ang palabas kung saan paulit-ulit akong tumitingin sa oras kung kailan ito matatapos. Masyadong pilit ang pagiging dramatic nito ngunit imbis na ma-touch ka sa mga tagpo ay maiinis ka lang. Isang pelikula na nasayang ang konsepto dahil sa maling paggawa ng characters at sa hindi kagandahang plot.


No comments:

Post a Comment