Search a Movie

Friday, June 22, 2018

Signs (2002)

Poster courtesy of IMP Awards
© Touchstone Pictures
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Mel Gibson, Joaquin Phoenix, Rory Culkin, Abigail Breslin
Genre: Drama, Sci-Fi, Thriller
Runtime: 1 hour, 46 minutes

Director: M. Night Shyamalan
Writer: M. Night Shyamalan
Production: Touchstone Pictures, Blinding Edge Pictures, The Kennedy/Marshall Company
Country: USA


Nagsimula ang lahat sa isang misteryosong crop circle sa kaniyang bukid. Noong una'y inakala ng dating pastor na si Graham Hess (Mel Gibson) na isa lang itong prank ngunit ilang kababalaghan pa ang sumunod na nagparamdam hindi lang sa kanilang tirahan kundi maging sa buong mundo. Naging bayolente ang mga alaga nilang aso, at may mga namataan silang malalaking nilalang sa labas ng kanilang bahay, bukod dito ay nakakarinig din sila ng mga hindi maipaliwanag na tunog sa kanilang baby monitor.

Hirap paniwalaan ni Graham na ang mga nangyayaring ito ay gawa ng mga alien ngunit nang siya na mismo ang nakasaksi sa mga naturang nilalang, kasama ang kapatid na si Merill Hess (Joaquin Phoenix) at dalawang anak na sina Morgan (Rory Culkin) at Bo (Abigail Breslin), ay agad nilang pinaghandaan ang paparating na alien invasion.

Isang pelikula na tungkol sa mga aliens. Ang ipinagkaiba nito sa mga tipikal na alien movies ay hindi ito naging teknikal sa mga scientific na parte tungkol alien invasion. Mas tumutok ito sa horror at thrill na mararamdaman ng isang normal na tao kapag totoong nagkaroon nga ng alien invasion. At ito ang nagustuhan ko sa palabas. Pinaglaruan nito ang misteryo upang pukawin ang atensyon ng mga manonood. Saka ka tatakutin sa oras na ang misteryong ito ay nasagot na.

Maganda ang ginawa ni Shyamalan na gawing limitado ang screen time ng mga aliens. Dahil dito ay mas tumataas ang misteryong mararamdaman mo sa kanila na tulad sa mga bida sa palabas. Tamang-tama rin ang naging timing nito kung saan at kailan ipinakita ang mga naturang nilalang dahil tunay na nakapagbigay ito ng takot hindi lang sa mga karakter sa palabas kundi maging sa mga manonood.

Medyo bland nga lang ang naging pag-arte ni Gibson sa palabas. May mga pagkakataon na tila hindi siya interesado sa kaniyang ginagawa. Paparating na ang mga alien ngunit mukha siyang bored. Hindi rin marunong gumamit ng armas ang mga bida rito. Naghanda sila ngunit hindi ganoon kahanda upang lumaban sa mga alien.

Magandang combination din sana ang aliens at ang kuwento ng pananalig sa Diyos ngunit naging pilit ang labas nito sa pelikula. Ayos lang na kuwestiyonin ng bida ang Diyos sa mga nangyari sa kaniyang buhay ngunit naging overboard ito nang isisi na niya ang lahat sa Panginoon na tila siya lang ang nakakaranas sa mga pangyayaring ito. Siya man ang bida sa palabas ay hindi lang sa kaniya umiikot ang mundo. Kaya naman naging out of place ang drama na inilapat sa pelikula.

Pasado ang thrill na ipinamalas ng palabas. Maganda ang kuwento nito na hindi masyadong naging teknikal at naging simpleng alien-horror movie lang na madaling intindihin. Gayunpaman ay hindi akma ang dramang isinangkap dito. Gayun din ang mediocre na pag-arte ng mga artista sa palabas. Kung magbibigay man ako ng thumbs up ay dahil ito sa humor ng palabas.


No comments:

Post a Comment