Search a Movie

Wednesday, March 8, 2017

Florence Foster Jenkins (2016)

Poster courtesy of IMP Awards
© BBC Films
6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Meryl Streep, Hugh Grant, Simon Helberg
Genre: Biography, Comedy, Drama, Music
Runtime: 1 hour, 51 minutes

Director: Stephen Frears
Writer: Nicholas Martin
Production: Qwerty Films, Pathé Pictures International, BBC Films
Country: United Kingdom, France


Bago pa man naging trend sa kasalukuyan ang mga artistang nagpapaka-singer kahit na hindi naman nabiyayaan ng magandang tinig ay mayroon  nang nagsubok nito noong taong 1944. Si Florence Foster Jenkins (Meryl Streep), isang mayamang socialite na matindi ang pagkahilig sa musika.

Ang pagkahumaling ni Jenkins sa musika ay nauwi sa pagkakaroon niya ng ilang mga konsyerto sa kabila ng hindi kagandahan nitong boses. Malakas ang loob, ito'y dahil suportado siya ng kaniyang asawa na si St. Clair Bayfield (Hugh Grant) na ginagamit ang yaman upang bayaran ang bawat manonood at kritiko ng kaniyang minamahal.

Dahil sa mga papuring natatanggap, mas lumaki pa ang ambisyon ni Jenkins nang maisipan nitong magkaroon ng concert sa Carnegie Hall ng libre para sa mga sundalo. Bilang paghahanda ay kinuha nito ang ilang musikerong makakatulong sa kaniya: si Cosmé McMoon (Simon Helberg) na magsisilbi niyang piyanista at si Carlo Edwards (David Haig) para sa kaniyang voice lessons. Ngunit ang hindi mapaghahandaan ni Jenkins ay ang katotohanang kaniyang mapagtatanto sa pagharap niya sa realidad.

Naaalala ko sa pelikulang ito ang mga artistang Pinoy na malakas ang loob na magkaroon ng sariling album at concert kahit na hindi makasabay sa nota ang boses dahil alam nilang madadala naman ito ng kanilang kasikatan. Ang ipinagkaiba nila kay Jenkins, ang yaman nito ang nagdala sa kaniya sa tulong na rin ng ilang taga-suporta. 

Maganda ang naging istorya ng buhay ni Jenkins. Dahil dito ay mapapaisip ang isang manonood kung tama bang ipaglaban ang isang bagay o sundin ang isang pangarap na hindi naman nararapat para sa iyo? Oo nga't maibibigay nito ang saya na iyong ninanais ngunit kalakip ng sayang ito ay ilang mabagsik at malulupit na katotohanan. Kung kaya mo itong harapin, marahil ay ayos lang na ipagpatuloy mo kung ano ang iyong hilig ngunit minsan kailangan din nating isipin na may mga larangang hindi para sa atin at kailangang ipaubaya na lang natin sa tunay na may talento.

Ang pagkukulang ng pelikula ay hindi nito masyadong naipakita ang backstory ni Jenkins maliban sa ilang pagbubunyag na malalaman sa kalagitnaan ng palabas. Napaka-galing ng pagsasabuhay ni Streep kay Jenkins, bumagay sa kaniya ang inosente at sweet na personalidad ng kaniyang karakter. Nagka-edad man ay hindi parin nawawala ang angking galing nito sa pag-arte. Nakakamangha ang mga micro expressions na kaniyang ipinapakita. Hindi na kailangan ng matinding iyakan o mga komprontasyon para magkamit ito ng nominasyon sa Oscars dahil kahit nakangiti ay mararamdaman mo parin ang kalungkutan sa mga mata ni Jenkins. Ito ang mga klase ng pag-arte na sa simula'y hindi man mapapansin pero sa huli ay saka mo lang makikilala ang galing.

Maaaring sa iba ay maituturing na isang inspirasyon ang naging kuwento ng buhay ni Jenkins. Ngunit maaari rin itong magsilbing eye opener sa ilan. Depende na lang ito sa kung ano ang magiging interpretasyon ng manonood sa pelikulang kaniyang sinubaybayan.


No comments:

Post a Comment