Search a Movie

Wednesday, March 22, 2017

Manchester by the Sea (2016)

Poster courtesy of IMP Awards
© K Period Media
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Casey Affleck, Lucas Hedges, Michelle Williams
Genre: Drama
Runtime: 2 hours, 17 minutes

Director: Kenneth Lonergan
Writer: Kenneth Lonergan
Production: K Period Media, B Story, CMP, Pearl Street Films
Country: USA


Sa pagkamatay ng kaniyang kapatid ay biglang naiba ang mapanglaw na buhay ni Lee Chandler (Casey Affleck) nang mapunta sa kaniyang pangangalaga ang labing-anim na taong gulang nitong pamangkin, Patrick Chandler (Lucas Hedges). Mabigat man ang loob ay kinakailangan ngayong bumalik ni Lee sa bayan na kaniyang kinalakihan, ang Manchester, upang ayusin ang libing ng kaniyang kapatid at sa pagkuha sa kaniyang pamangkin.

Ngunit pagdating ni Lee sa Manchester ay mapagtatanto nitong hindi ganoon kadali ang lahat. Ang pamangkin nitong si Patrick ay mas gugustuhin na lang na tumira sa lasenggo nitong ina kaysa lumipat ng tahanan. Bukod dito ay problema pa ni Lee ang mga alaala niya sa lugar na pilit niyang ibinaon sa limot nitong nakaraang taon na siyang naging dahilan ng paglipat niya ng tahanan.

Ang pelikula ay binubuhay ng galing ni Affleck sa pag-arte sa tulong na rin ng kabatuhan nito ng linya na si Hedges. Nakakatuwa ang naging relasyon nila bilang mag-tiyo na kahit alam mong nag-aaway ang parehong karakter nila ay nandoon parin ang respeto at pagmamahal na siyang ikakatuwa ng nanonood. Magaling din ang ipinamalas ni Michelle Williams na bagamat kakaunti lang ang screen time ay bawat eksena naman nito ay kahanga-hanga ang naging performance.

Maganda ang naging kuwento ng Manchester by the Sea ngunit may pagka-dragging ang naging storytelling nito. Wala kang masyadong kaganapang matutunghayan bagkus ay pawang ang sagutan lang ng dalawang bida ang mapapanood na hinaluan ng ilang flashback upang mabigyang buhay ang nakaraan ni Lee. May mga eksena sa palabas na akala mo malaki ang importansya dahil nabibigyan ito ng mahabang panahon upang makita ng manonood ngunit kalaunan ay para ka na-troll dahil wala pala itong kinalaman sa kuwento. 

Magaling ang cast at nakaka-touch ang istorya ngunit kung ang hanap ng isang manonood ay maraming kaganapan ay dito nagkulang ang palabas.


No comments:

Post a Comment