Search a Movie

Monday, March 6, 2017

Imagine You & Me (2016)

Poster courtesy of Random Republika
© APT Entertainment
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Maine Mendoza, Alden Richards
Genre: Comedy, Drama, Romance
Runtime: 2 hours

Director: Michael Tuviera
Writer: Aloy Adlawan, Renato Custodio
Production: APT Entertainment, GMA Films, M-Zet Productions
Country: Philippines


Si Gara (Maine Mendoza) ay isang Overseas Filipino Worker na nagta-trabaho sa Italy bilang tagalinis ng bahay ng biyudang si Terry (Irma Adlawan) at tagapangalaga ng aso ng may sakit na si Clarissa (Jasmine Curtis-Smith). Sa kabilang banda, si Andrew (Alden Richards) naman ay isang medical student na nagtungo sa Italy upang subukang ayusin ang relasyong naging sanhi ng kaniyang pagiging broken hearted.

Sa tulong ng tadhana, ang landas nila Gara at Andrew ay magkakatagpo sa isang hindi kanais-nais na pangyayari. Gayunpaman, ang magkaibang personalidad at paniniwala ng dalawa ang siyang magiging instrumento upang sila'y magkasundo at magkaroon ng magandang ugnayan. Ngunit mabilis na matatapos ang masasayang araw ni Gara nang malaman nito kung sino ang babaeng nasa likod ng sakit na iniinda ni Andrew.

Isang tipikal na kuwentong boy-meets-girl na kahit papaano ay nagsubok naman na umiwas sa mga nakasanayang pakilig sa mga romantikong pelikula. Maganda ang inihandang twist ng palabas na siyang pagmumulan ng conflict sa istorya ngunit sigurado akong bago pa man ito ilabas ng direktor ay marami na sa mga manonood ang makakahula kung ano ito. Gayunpaman, hindi doon nagtatapos ang panggulat ng pelikula dahil mayroon pa itong pahabol sa dulo na siya ring magreresolba sa ginawang conflict ng nauna.

Nabigyang hustisya ni Richards ang kaniyang karakter, seryoso, tahimik at mainitin ang ulo dahil sa nakaraan ngunit kaya paring magbigay ng kilig at sa parehong pagkakataon ay magbigay kirot sa puso. Kay Mendoza naman, marami pang improvement ang kinakailangan sa kaniyang pag-arte. May mga pagkakataong hindi sincere ang labas at pagbitaw niya ng mga linya. Pagdating sa ilang emosyon tulad ng saya, kilig at galit ay kayang-kaya naman niya itong ipakita ngunit sa matinding dramahan ay doon siya napag-iiwanan ng kaniyang katambal. Maganda na sana ang mga confrontation scenes sa palabas ngunit naging awkward dahil sa hindi gaanong kagandang pag-arte ni Mendoza. Magaling din si Curtis-Smith, kahit hindi ito gaanong nabigyan ng mahahabang screen time ay tagos sa puso naman ang pagsasabuhay nito sa kaniyang karakter.

Chemistry ang nagbigay buhay sa AlDub at ang chemistry na ito ay dala parin nila sa kanilang pelikula. Sa simpleng pagsasama ng dalawa sa screen ay may dulot na itong sparks, titigan pa lang nila ay talagang kikiligin ka na. Mas naging makulay ang kanilang chemistry on screen dahil sa magandang cinematography ng pelikula. Naipakita ni Tuviera ang ganda ng Italy at ang pag-ibig na pumapalibot dito. Sinabayan pa ito ng magandang theme song kaya naman halos kumpletos rekados na ang pelikula.

Bukod sa medyo pangkaraniwang pag-arte ni Mendoza, ang ilan pang naging problema ko sa Imagine You & Me ay ang character development ni Gara na hindi ko masyadong nakitaan ng pagbabago bukod sa pagiging paki-alamera nito sa buhay ng iba na nakaka turn off. Dahil dito ay nakakawalang-ganang maki-simpatya sa kaniyang karakter na naging sanhi kung bakid hindi ko gaanong natipuhan ang naging climax ng kuwento. Dagdag pa rito ang napaka-ingay na si Cacai Bautista na siya sanang magbibigay tuwa sa palabas ngunit naging OA ang kinauwian.

Sa pangkalahatan, maganda ang palabas. Maayos ang istorya nito at maganda ang pagkakagawa sa kabila ng pagkakaroon ng kaunting pagkukulang sa cast. 


No comments:

Post a Comment