Search a Movie

Tuesday, May 19, 2015

Avengers: Age of Ultron (2015)

8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Robert Downey Jr., Chris Hemsworth, Mark Ruffalo, Chris Evans, Scarlett Johansson, Jeremy Renner
Genre: Action, Adventure, Sci-Fi
Runtime: 2 hours, 21 minutes

Director: Joss Whedon
Writer: Joss Whedon, Stan Lee (comics), Jack Kirby (comics)
Production: Marvel Studios
Country: USA


Sa pangalawang pagkakataon ay muli na namang nagtipun-tipon ang Earth's Mightiest Heroes upang iligtas ang sanlibutan. Ito ay matapos nilang mabawi ang scepter mula sa Hydra. Nang matuklasan nila Tony Stark (Robert Downey Jr.) at Bruce Banner (Mark Ruffalo) na may artificial intelligence ang gem na hawak ng scepter ay palihim nila itong ginamit upang matapos ang ginagawang global defense program ni Stark na "Ultron".

Ngunit nang mabuo nila Stark at Banner si Ultron ay nagkaroon ito ng sariling pananaw sa paraan ng pagliligtas sa mundo at ito ay ang puksain ang sangkatauhan. Nagsimulang labanan ni Ultron ang Avengers at gamit ang scepter ay tumakas ito upang palakasin ang kaniyang sarili at bumuo ng isang hukbo ng robot drones. Dito niya sinibukang kumbinsihin ang magkapatid na bagong karakter na sina Pietro (Aaron Taylor-Johnson) at Wanda Maximoff (Elizabeth Olsen) na sumapi sa kaniya upang ipaghiganti ang kanilang namatay na magulang na ang naging sanhi ay ang mga armas na gawa ni Stark. Sa pagkakataong ito ay kinailangang muling magkasundo ng Avengers upang matalo nila ang bagong kalaban.

Kung ikukumpara ito sa naunang pelikula (na mahirap iwasan) ay mas marami kang aksyon na makikita dito. Nandiyan ang labanan ng Hulkbuster at ni Hulk, ang unang harapan ng Avengers at ni Ultron kasama ang Maximoff twins, at sa opening scene pa lang ng pelikula sa pagkuha ng scepter sa Hydra outpost ay mabubusog ka na. Hindi ka mabibigo dito pagdating sa action element ng pelikula. Ganoon din sa kuwento at sa mga batuhan ng linya na talaga namang isa sa mga bagay na lalong nagpa-astig sa palabas na ito.

Wala rin akong negatibong masasabi pagdating sa special effects, yung moment palang nila Hulk at Black Widow (Scarlett Johansson) ay isang bagay na. Ganoon din pagdating sa mga aktor na nagsiganapan sa kani-kanilang mga karakter, yung tipong wala talagang patapon. Dumagdag din sa thrill ng pelikula ang mga bagong pasok na characters tulad ng Maximoff twins at siyempre si Vision.

Ang maganda pa rito ay mas malaman na ngayon ang karakter ni Clint Barton/Hawkeye (Jeremy Renner) dahil ipinasilip na sa atin ang kaniyang buhay sa likod ng kaniyang trabaho. Nagkaroon na din siya ng mas mahaba at sariling screen time na siya ang bida. At ganoon din ang gusto kong mangyari kay Natasha Romanoff kung sakaling ayaw talaga nilang bigyan ng solo movies ang dalawa.

Siguro ang hindi ko lang nagustuhan dito ay ang love angle sa pagitan nila Banner at Romanoff na sa tingin ko'y pilit at hindi bagay. Parang isinama lang ang subplot na ito para magbigay drama sa kuwento at mukhang ipagpapatuloy pa nila ito sa susunod na dalawang pelikula.

Sa kabila ng pagiging "mas" ng Avengers: Age of Ultron ay nasa naunang palabas parin ang puso ko dahil ang wala dito na meron sa naunang Avengers ay iyong feeling ng excitement sa pagkakaroon ng fresh concept na pagsamahin ang mga magagaling na superheroes sa iisang pelikula. Alam kong mahirap na itong ulitin pero sana magawa nila ulit ito sa Avengers: Infinity War - Part 1 kung saan balita ko ay makakasama na sa listahan ang isa pang magaling na superhero na si Spider-Man.


© Marvel Studios

No comments:

Post a Comment