Search a Movie

Wednesday, April 29, 2015

Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros (2005)

8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Nathan Lopez, Soliman Cruz, JR Valentin
Genre: Drama
Runtime: 1 hour, 40 minutes

Director: Auraeus Solito
Writer: Michiko Yamamoto
Production: UFO Pictures, Cinemalaya
Country: Philippines


Isang masipag na anak at mapagmahal kapatid, si Maximo Oliveros (Nathan Lopez) o simpleng "Maxie" sa kanilang lugar ay isang bading na inosente pa pagdating sa realidad ng buhay. Ang mundo nito ay binubuo ng simpleng panonood ng mga piratang DVD kasama ang ama at dalawang nakatatandang kapatid, paglalaro at paggaya sa Miss Universe kasama ang mga kaibigan at ang araw-araw na gawaing bahay tulad ng pagluluto, paglilinis at paglalaba. 

Mas lalong tumingakd ang mundo ni Maxie nang dumating sa lugar nila si Victor Perez (JR Valentin), isang bagong destinong pulis sa kanilang lugar. Nagkakilala ang dalawa nang iniligtas ni Victor si Maxie sa dalawang lalaking nambubully sa kaniya. Agad nagkagaanan ng loob ang dalawa at naging magkaibigan. Bilang guwapo at matipunong pulis ang binata, hindi naiwasang mahulog ang loob ni Maxie kay Victor. 

Kung masaya si Maxie sa pagdating ni Victor ay kabaliktaran naman ito para kay Paco (Soliman Cruz) na ama ni Maxie. Sa pagnanakaw binubuhay ni Paco ang kaniyang pamilya at sa pagkakaroon nila ng bagong pulis na puno ng prinsipyo sa kanilang lugar ay unti-unting nabubulilyaso ang kanilang pamumuhay. Dito magsisimulang mahati sa dalawang mundo ang buhay ni Maxie, sa mundo ni Victor at sa mundong nakagisnan niya. Ang dating inosente nitong buhay ay biglang nawala nang mamulat siya sa maduming realidad na kinahaharap niya at ng kaniyang pamilya.

Hindi man ganoon kaganda ang cinematography, bumawi naman sila sa galing ng mga aktor at sa napakagandang storyline. Dark ang tema ng kuwento ngunit dahil sa karakter ni Maxie ay nagawa ng writer na gawing light ang buong pelikula. Ang maganda dito ay simple at makatotohanan ang paglalarawan nila sa isang batang binabae at masasabi kong hindi trying hard si Lopez sa kaniyang role. Sakto lang ang pagganap niya bilang Maxie kaya talaga namang mapapamahal ka sa kaniyang karakter.

Isa pa sa nagustuhan ko sa pelikula ay ang scoring nito, ang lakas makapag-bigay ng good vibes ng intro kahit na tila nilalait ang Pilipinas. Maganda rin ang kantang ginamit para sa credits scene na bagay sa emosyon na mararamdaman mo pagkatapos mong mapanood ang pelikula. At siyempre ang instrumental guitar na ginamit sa buong pelikula, may mangilang-ngilan na medyo off ang dating pero karamihan, bumabagay talaga sa mga eksena.

Isang low-budgeted na pelikula ngunit isa ito sa mga pelikulang Pinoy na maaari nating maipagmalaki sa ibang bansa dahil sa mahusay na kuwento. Medyo Pinoy-ish man ang conflicts pero sigurado akong maibibigay nito ang satisfaction na hinahanap ng manonood sa isang pelikula.


© UFO Pictures, Cinemalaya

No comments:

Post a Comment