Search a Movie

Wednesday, December 26, 2018

PK (2014)

Poster courtesy of India
© Vinod Chopra Productions
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Aamir Khan, Anushka Sharma
Genre: Comedy, Drama, Sci-Fi
Runtime: 2 hours, 33 minutes

Director: Rajkumar Hirani
Writer: Abhijat Joshi, Rajkumar Hirani
Production: Rajkumar Hirani Films, Vinod Chopra Productions
Country: India


Isang alien na anyong tao si PK (Aamir Khan) na bumaba sa kalupaan ng Rajasthan para sa isang misyon. Ngunit hindi pa man siya nagtatagal sa naturang lugar ay nagkaroon agad siya ng suliranin matapos nakawin ng isang lokal ang remote para sa kaniyang spaceship. Dahil dito ay napilitan siyang manatili sa mundo hangga't hindi niya nahahanap ang kaniyang remote control.

Susubukan niyang humingi ng tulong sa mga iba't-ibang diyos na sinasamba nga mga tao hanggang sa makilala niya ang dalagang si Jaggu (Anushka Sharma) na siyang tutulong sa kaniyang problema. Sa kaniyang pakikipagsapalaran ay matututunan ni PK ang pamumuhay ng isang normal na tao, dito nito mapagtatanto ang iba't-ibang pakikitungo ng mga tao sa relihiyon. 

Isang napakalaking eye opener ang PK na bagamat isa itong komedya ay mayroon itong napakalalim na paksa. Nagawa ni Rajkumar Hirani na gawing kaaya-aya ang isang palabas na umiikot sa isang sensitibong tema. Dahil na din ito sa magandang kuwento at magagaling na artistang bumida rito. Makukuha nito ang iyong kiliti pagdating sa pagpapatawa at maaantig ka naman sa sariling kuwento ng mga bida. Bukod doon ay mapapaisip ka sa mensaheng nais nitong iparating na mang-uusisa sa iyong pananampalataya.

Mahirap panoorin ang pelikula dala ang isang saradong utak dahil dito ay susuriin nito ang iba't-ibang klase ng relihiyon mapa Kristiyano man ito, Muslim, Budismo at kung ano pa. Kaya upang ma-enjoy mo ang palabas ay kailangan mo itong panoorin na bukas ang iyong isipan upang mai-konsidera ang nais nitong ilarawan. 

Minsan ay napapahaba nga lang ang oras nito dahil sa mga musical scenes na kailanman ay hindi mawawala sa isang bollywood film ngunit ito ang magbibigay sa iyo ng oras upang makapag-isip. Kung tutuusin ay masarap pakinggang ang mga tugtog na ginamit dito, mapapasayaw ka rin sa mga dance choreography ng bawat eksena  ngunit masyado lang itong mahaba para sa aking pananaw.

Pagdating sa pag-arte, magaling ang dalawang bida. Nagkaroon sila ng magkaibang kuwento sa kabila ng kanilang pagsasama sa iisang storyline. Medyo exaggerated nga lang minsan ang malaking mata ni Khan ngunit kinakailangan ito upang maipaalala sa mga manonood na hindi siya tao. Maayos na naipadama nila Khan, Sharma at ilan pang cast ng pelikula ang mga emosyong nais nilang ipadama.

Halos complete package na ang PK, mayroon itong comedy, drama, music, romance at may kaunting hipo ng sci-fi. Sulit ang pagiging mahaba nito dahil maayos na naiparating ng pelikula ang tunay nitong pakay, at ito ay ang sabihin na iisa lang ang Diyos na kailangan nating sambahin. Ang Diyos na lumikha sa atin at hindi ang diyos na nilikha natin.


No comments:

Post a Comment