Search a Movie

Saturday, January 5, 2019

A Simple Favor (2018)

Poster courtesy of IMP Awards
© BRON Studios
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Anna Kendrick, Blake Lively, Henry Golding
Genre: Comedy, Crime, Mystery, Thriller
Runtime: 1 hour, 57 minutes

Director: Paul Feig
Writer: Jessica Sharzer, Darcey Bell (novel)
Production: BRON Studios, Feigco Entertainment
Country: USA


Masayahin at simpleng biyuda si Stephanie Smothers (Anna Kendrick) na ang trabaho ay isang vlogger. Dahil sa anak ay makikilala nito ang sosyal at mayamang PR director ng isang fashion company na si Emily Nelson (Blake Lively). Mula sa pagkakaibigan ng kanilang mga anak ay magkakapalagayan ng loob ang dalawang ina.

Hanggang sa dumating ang araw na humingi ng isang simpleng pabor si Emily mula kay Stephanie at iyon ay upang sunduin ang kaniyang anak sa paaralan. Madali lang ito para kay Stephanie dahil itinuturing na niyang kaibigan si Emily, bukod rito ay dati na niya itong ginagawa dahil sa pagiging busy ng huli. Ngunit ang kaibahan lang sa pagkakataong ito ay hindi na nagpakita pang muli si Emily.

The usual Kendrick acting ang mapapanood mo sa simula ng pelikula. Awkward, bibo at mabait. Ngunit huwag papaloko dahil parte ito ng kaniyang character development. Si Lively ang nag-stand out sa panimula ng palabas. Nagsusumigaw ang kaniyang sex appeal, ang pagiging high-class at yayamanin. Mula sa pananalita, paglalakad at mannerisms ay dama mo ang pagkakaroon nito ng malalim na kuwento, taliwas sa ipinapakita nito.

Ganoon di si Henry Golding nang ipakilala na ang karakter nitong si Sean Townsend. Bumagay siya kay Lively na mayroong kaparehong impresyon. Para silang Homecoming King and Queen sa lakas ng kanilang chemistry. Si Lively bilang isang high-profile at mahirap maabot na asawa at ang kapareha nitong si Golding na pumapantay kay Christian Grey (book version) ang appeal sa kabila ng pagiging simpleng writer at propesor nito na siyang gustong palabasin ng pelikula. 

Sa last half ng pelikula na bumawi si Kendrick nang ma-develop na ang karakter nito at nagkaroon ng sariling shining moment. Sa totoo lang ay hindi mo siya mamahalin sa buong pelikula, mayroon mga pagkakataong hindi ka papabor sa ginagawa ng kaniyang karakter ngunit kung isa ka sa mga mabibihag sa appeal ni Sean ay siguro'y maiintindihan mo rin siya. At isa pa, sa kabila ng bubbly personality nito ay mayroon din siyang mga itinatagong sikreto katulad ng iba pang karakter sa palabas.

Halos may kaunting pagkakahawig ang naging kuwento ng A Simple Favor sa isang pelikula na hindi ko na papangalanan dahil paniguradong magiging spoiler ito lalo na kung pamilyar ka sa pelikulang tinutukoy ko. Hindi man nito kasing epic ng naturang pelikula na sinasabi ko ay ganoon din ang mararamdaman mo dito lalo na sa mga sunod-sunod na rebelasyon na umiikot sa misteryo ng kuwento. Ang touch of comedy nito ang manlilinlang sa thrill at mistery na dala ng storyline. Sa katunayan nga, title pa lang ay hindi mo aakalaing isa itong crime-thriller. 

Masyado naging mabilis ang mga pangyayari pagkatapos ng rebelasyon ngunit iyon ang nagdala ng thrill nito. Ang nagustuhan ko dito ay hindi mo alam kung kanino ka kakampi sa tatlong bida dahil una sa lahat ay hindi mo alam kung sino sa kanila ang nagsasabi ng totoo, pangalawa ay mayroon ka nang sariling konklusyon sa kung ano ang maaaring nangyari at pangatlo ay lahat sila'y may kaniya-kaniyang kamalian, hindi sila santo at ito ang dahilan kung bakit naging mas makatotohanan ang mga karakter dito. Ang naging malayo lang sa katotohanan ay ang humor na ipinatong nila sa palabas. Hindi naman exaggerated pero hindi rin bumagay sa tema ng pelikula lalo na pagdating sa climax. Ramdam mo ang medyo pagiging out of place nito. 

Hindi ko inaasahan na magugustuhan ko ang palabas na ito. Una sa lahat ay hindi ganoong ka-appealing ang title nito. Sa simula ay para bang isa itong chick flick na may love triangle ngunit nang magsimula nang mabago ang direksyon ng kuwento ay doon na tataas ang interes ng manonood. Hands down ako sa tatlong bida, bagay na bagay sa kanilang lahat ang bawat karakter. Maganda naman ang storyline ngunit kung ako ang tatanungin ay medyo farfetched, gayunpaman ay na-enjoy kong panoorin ang twists and turns na inihanda ng pelikula para sa manonood. Na-enjoy ko rin ang sexual tensions na nakatago dito, mas hot pa kaysa sa Fifty Shades trilogy.


No comments:

Post a Comment