Search a Movie

Friday, February 5, 2021

Bar Boys (2017)

9 stars of 10
★★★★★★★★★ ☆

Starring: Rocco Nacino, Carlo Aquino, Enzo Pineda, Kean Cipriano
Genre: Drama
Runtime: 1 hour, 50 minutes

Director: Kip Oebanda
Writer: Kip Oebanda
Production: Tropic Frills Film Productions, Quantum Films, Wildsound Studios
Country: Philippines


Ang Bar Boys ay tungkol sa apat na magkakaibigang sina Torran (Rocco Nacino), Erik (Carlo Aquino), Christian (Enzo Pineda), at Joshua (Kean Cipriano). Tatlo sa kanila ang makakapasa sa entrance examination para sa law school at ang isa naman ay mapipilitang tumahak ng ibang direksyon. Dito ay ipapakita ng tatlo kung papaano ang buhay ng isang law student mula sa tatlong iba't ibang representasyon. Ang isa ay mula sa mayamang pamilya, matalino pero nakakatanggap naman ng pressure mula sa magulang. Ang ikalawa ay mahirap at mahina pagdating sa pag-aaral. Ang huli ay sakto lang, chill sa eskuwela at may oras pa para sumabak sa ibang extra-curricular activities.

Sa pagkakaiba ng mga estado ng buhay ng apat ay masusubok ang tatag ng kanilang pagkakaibigan at kung gaano kabigat ang kanilang pagnanasang maging abogado mula sa hirap na kanilang mararanasan sa pagiging law student.

Tungkol sa law school ang kuwento ng Bar Boys pero hindi lang ito relatable para sa mga law students at mga legal practitioners kung hindi maging sa mga estudyante in general lalo na sa mga nag-aaral sa kolehiyo. Makikita dito kung gaano kahirap aralin ang isang propesyon at kung papaano unti-unting nagbabago ang samahan ng pagkakaibigan. Matatalakay din ang pinansyal na problema, ang peer pressure, at ang kawalan ng oras sa mga bagay na nakasanayan nang gawin.

Nagustuhan ko ang pagkakaroon ng kaniya-kaniyang dilemma ng mga bida upang magkaroon sila ng depth at personality. Ang karakter nila Aquino at Pineda ang mas nangibabaw sa pelikula dahil sila ang nakapagbigay ng conflict sa kuwento. Maganda rin naman ang ginawa sa karakter ni Nacino, siya ang kuamtawan sa mga kolehiyong napapasali sa mga grupong hindi academic-related. Si Cipriano ang biglang nawala na ginamit lang ang karakter upang bigyang diin ang katotohanan na hindi lahat ay nakatakdang maging abogado.

Kung nasabi kong nangibabaw sina Aquino at Pineda, mas nangibabaw pa sa pelikula si Odette Khan na gumanap bilang si Justice Hernandez, ang propesor ng mga bida. Supporting man ay tatatak ang naging pagganap nito dahil sa kaniyang husay na siyang unang maaalala mo tuwing mapag-uusapan ang pelikulang ito.

Mahirap isiksik sa halos dalawang oras ang buhay law school pero nagawang ipasilip ng pelikula ang mundo nito. Kaya naman naiintindihan ko kung bakit pahapyaw lang ang mapapanood natin dito dahil mas nag-pokus sila sa kuwento ng mga bida na siyang nagustuhan ko. Pagdating nga lang sa ending ay naramdaman ko ang tila pagmamadali ng pelikula dahil sunud-sunod naang isinara ang mga subplots na para bang naghahabol ng deadline. Hindi naging dramatic ang rebelasyon ng mga passers na siyang inaabangan ko dahil inakala kong doon ang direksyon na kanilang patutunguhan. Umasa lang ako na bibigyan nila ang mga manonood ng kaunting thrill sa inaabangang konklusyon ng lahat.

Gayunpaman ay hindi naman ito naging problema sa akin dahil bilang pangkalahatan ay magandang pelikula ang Bar Boys. Maganda ang mensaheng ipinarating nito para sa mga mag-aaral, bukod dito ay mai-enjoy mo pa ang nakaka-antig nitong kuwento.



Poster courtesy of IMDb.


No comments:

Post a Comment